Ito ang mga salitang gumising kay Macario. Marahan ngunit mapursige ang paggising ng asawa sa kanya. Tuluyan na ngang nagising si Marcario at nang maalimpungatan, noon na lamang niya napagtanto na binangungot na yata sya, at ang pang-gigising sa kanya ng asawa ang nagligtas sa kanya.
“Ano bang napanaginipan mo at iling ka ng iling sabay ungol pa. Buti na lang at nagising ako para gisinging ka.” May pag-alalang sabi sa kanya ng asawa.
“Ewan ko, di ko maalala e. Hayaan mo, mamaya, maaalala ko rin yun.” Pagkasabi nito’y nagbuntong hininga si Macario, pilit na pinapagaan ang kalooban dahil alam niyang maaaring hindi na nga siya nagising kundi dahil sa asawa. Naniniwala kasi siya dun sa sinasabi ng mga matatanda tungkol sa bangungot. Naghahabol siya ng hininga sa kaba ngunit maya-maya pa’y gumaan na ang pakiramdam at nakahinga ng maaayos.
“Anong oras na ba? Tanong ni Macario sa asawa. “Di ba sabi ko nga sa iyo bago matulog kanina e kailangan kong umalis ng maaga ngayon.”
“Maaga pa. Alas-kuwatro pa lang naman. Matulog ka pa at mamaya’y gigisingin na lang kita ulit.” Malumanay na sagot ng asawa. “Sige na, hwag ka nang mag-alala. Huwag mo na ring isipin pa kung ano man yung napanaginipan mo.” Hindi naniniwala sa bangungot ang kanyang asawa ngunit alam nitong di naman yun ang oras para pag-usapan ang bagay na tulad nito.
Hindi na nga makatulog pa si Macario, kaya’t pagkatapos ng ilang minutong pag-ikot ikot sa kama e bumangon na rin siya ng tuluyan. Kanina pa naunang bumangon ang asawa at bumaba patungo sa kusina upang magluto ng almusal.
Bumaba na rin si Macario at nagtungo sa banyo upang maghilamos at umihi. Pagkatapos ay nagkita silang magasawa sa kusina at kahit na nga nagkausap na sila kanina sa kama e nagbeso-beso pa sila sabay bati ng nakaugaliang “good morning sweetheart” sa isa’t-isa.
“O di ka na nakatulog ulit. Di bale, kumain ka na muna at ng makapagpahinga ka pa ng konti bago umalis.” Masuyong sabi ng asawa habang naghahanda ng almusal. Naghanda ito ng tig-dalawa silang pritong itlog, daing na bangus, kape at sinangag na maraming bawang.
Kaka-upo pa lang ni Macario sa harap ng mesa nang maalala niya ang bangungot na naging dahilan upang muntik na siyang di na magising pa. Di man niya pinilit na isipin e tila kusang sumaging muli sa kanyang ala-ala kung ano yun. Subalit nais muna niyang buuin sa kanyang isip ang tinakbo ng bangungot bago niya ito ikuwento sa asawa kaya’t nanatili siyang naka-tingin sa malayo habang nag-iisip, bagay na ikinabahala naman ng asawa.
“Macario…Macario…ano bang iniisip mo?” Tanong ng asawa habang hawak-hawak ang kanyang braso at ina-alog-alog ito. “Nag-aalala ka pa ba tungkol sa panaginip mo?”
“Ha, a…e…oo, at unti-unti ko nang naaalala ulit. Pero binubuo ko pa sa isip ko e. Hayaan mo ikukuwento ko sa iyo pag nabuo ko na. Kain na tayo Dear, hayaan mo na yun.” Sabay subo ng mainit na sinangag na maraming bawang, tulad ng gustong-gusto niya.
Patigil-tigil siya sa pagkain dala ng pagbalik sa kanyang ala-ala ng bangungot. Titingin siya sa malayo at pagkatapos ay sa asawa naman ng may konting ngiti, at susubo ng sinangag o iinom ng kape. At uulitin na naman ni Macario ang ganon – tingin sa malayo, tingin sa asawa, subo ng pagkain o inom ng kape, tingin sa malayo… Sa ganon ay binubuo niya sa isip ang tagni-tagning pagdaloy ng bangungot sa isipan. Lumipas ang halos kalahating oras sa ganong paraan, at tahimik na hinayaan naman siya ng asawa, sa kaalamang may iniisip ito at ayaw niyang gambalain pa.
Nakapila kami sa loob ng eroplanong pang-digmaan – luma, at nanginginig ang buong katawan ng higanteng eroplanong pilit na sinasagupa ang lakas ng hangin at ulan, hinahati ang itim na gabi, ilang libong piye ang taas sa kalangitan. Isa akong sundalo at nasa kalagitnaan ng isang digmaang ewan ko kung sino ang nagsimula. May misyon kaming dapat tuparin – lusubin ang kuta ng kalaban sa itaas ng bundok at ang tanging paraan ay mag-parakayda upang marating iyon. At kailangan gabi upang di kami mamataan ng kalaban. Eto nga at naka-upo kami malapit sa pinto ng eroplano at naghihintay ng senyal mula sa sarhento upang isa-isa kaming tumalon sa kawalan. Pang-labingtatlo ako sa tatalon sa oras na dumating kami sa tamang lugar. Ito ang una kong pagtalon ng tunay matapos magsanay ng kung ilang beses na pagtalon mula sa isang tore at hindi sa isang tunay na eroplanong lumilipad.
Dumating ang senyal ng pagtalon at isa-isang kaming pumila sa tapat ng pinto. Maya-maya’y kumidlat sa malayo at dumagundong ang mapakalakas na kulog na siyang nagdulot ng masidhing kaba sa aking dibdib.
Isa, dalawa, tatlo…tumalon silang tila walang paki-alam sa kung anong bunganga ng demonyo ang lululon sa kanila’t naghihintay sa labas…
Apat…lima… anim…sunod-sunod at walang tanong-tanong sila na sumugod palabas ng pinto ng eroplano.
Pito, walo, siyam…sinalubong sila ng malakas na hangin at ulang halos ihambalos sila pabalik ng eroplano…
Sampu, labing-isa, labing-dalawa…nilamon sila ng kadilimang paminsan-minsang naliliwanagan ng kidlat at ginagambala ng masungit na kulog…
At ako na nga ang susunod…
Ayoko…ayoko…umiiling-iling ako… Kidlat… Kulog... Ayoko, ayoko talaga… Hwag… Ayoko!!!
Hinawakan ako ng dalawang malalaking sundalo sa magkabilang braso at hinila papalapit sa pinto ng eroplano. Humawak ako sa pinto at pilit na pinipigilan ang hindi mapigilang pag tulak nila sa akin. Nakangisi ang sargento habang tinatawag ang pangalan ko. “Macario, talon na! Ngayon din. Naghinhintay sa iyo si Kamatayan sa baba!” Sabay halakhak na tila galling sa kung anong napakalalim na hukay.
Naitulak din nila ako palabas at naramdaman ko ang paghataw ng malakas na hangin at ulan sa aking mukha…at ang mabilis kong pagbulusok sa kawalan pababa sa bundok, kung saan may digmaan.
Pinilit kong alalahanin ang mga bilin ng nagturo sa akin kung ano ang dapat gawin sa oras na iyon.
Ah, dapat kong hilahin ang isang kwerdang magbubukas ng parakayda…asan na yun…asan na…habol-habol ko ang aking hininga…pailing-iling…nasaan ka na…
Sa aking pag-aapurang masumpungan ito ay hinila ko ang lahat ng aking mahawakan. Sa wakas ay nakita ko rin at sa aking pagkabigla’y nahila ko ito ng napakalakas, na siyang ikinaputol nito sa kanyang kinalalagyan…wala na ang taling magliligtas ng aking buhay…ano ito? At patuloy ako sa aking pagkahulog sa gitna ng unos, kadiliman at kawalan. Ungol… Iling… Ungol… Iling…
“Macario…gising…hoy gising!!!
0 kuro-kuro o puna:
Post a Comment