Pages

Friday, November 19, 2010

Sayang at walang tunay na “time machine”

Sayang at walang tunay na “time machine” na maaari kong sakyan ngayon upang makabalik sa nakaraan. Kung maaari nga lang sana e babalik ako siguro ng mga limang taon. Ewan ko kung ano ang madadatnan ko sa panahong iyon pero isa sa mga natitiyak ko e meron na akong sakit sa puso. Teka kung ganoon e di baka mas mabuti pang mga labing limang taon na lang kaya, at sa gayon e baka me magawa pa ako para iwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso. Marami akog gustong gawin sa ngayon na di ko magawa dahil nga sa sakit na ito at wala naman akong magawa dahil nandyan na yan. Ang tangi ko lang pampalubag loob kung baga e, kahit papaano natutustusasn ng kinikita ko sa trabaho ko ang pambili ng gamot. Madalas ko nga maisip na kung wala lang akong sakit e mabibili ko lahat, hindi lang ang mga pangangailangan naming mag-anak kundi pati ang iban pang luho sa buhay na gusto ng aking asawa’t mga anak.

Ito nga ang katayuan ko ngayon.

At kung maaari nga lang maglakbay sa panahon at may mababago ako, pipiliin kong gumawa ng paraan para maging mas malusog ang aking pangangatawan at maka-iwas sa sakit sa puso. Sa malas, wala akong ganoong klase ng “time machine”.

Paglalakbay sa panahon - sa nakaraan ang aking nais.

Ano pa kayang ibang kahilingang mas mahirap na maisakatuparan ang maaaring isipin ng isang tao? Marami ng nagtangka, nakasisiguro ako, subalit tulad ng isang unikornio, wala pang nakasumpong nito. Wala pang nakapaglakbay patungong nakaraan.

Hindi rin naman tayo makakapaglakbay sa hinaharap di ba, pero kung tutuusin, posible ito hindi nga lang sa literal na paraan kundi sa ating isipan at damdamin. May magagawa tayo ngayon upang ihanda ang ating sarili para sa mga kaganapan sa hinaharap. Maitutuwid pa natin ang pagkakamali upang pagdating ng bukas ay mas magaan ang ating kalooban. Makaka-iwas tayo sa mga sarili nating pagpapahirap ng katawan at kaisipan upang makakawala sa kulungang tayo rin ang may gawa. Matatalo natin ang isang multo na tayo rin ang lumikha kung nanaisin natin.

Ang ngayon ay nakaraan na bukas.

Saan ko hahanapin ang dahilan kung bakit ko gustong baguhin ang lahat para bukas kundi ngayon din? Hindi na ako makaka-alpas pa sa tanikala ng nakaraan ko subalit maaari akong humawak sa pag-asa na bukas e iba naman ang dapat kong paghandaan at gawin. Wala ng pagbabago pa ang kahapon ngunit bukas sa lahat ng interpretasyong pangkaisipan ang aking hinaharap.

Ang aking “time machine” ay ang aking kamalayan.

Wala itong limitasyon kundi ang kakayahang hayaan akong magmatyag sa kahapon at magpadama sa akin kung ano ang kailangan kong ihanda ngayon para bukas. Kung sa mga pahina ng literaturang banyaga, ang “time machine” ay nakakapagdala sa isang tao sa nakaraan at sa hinaharap, ang aking “time machine” ay walang kakayahang magdala sa akin sa ibang pisikal na lugar subalit hindi ako nalulungkot. Bagkus natutuwa ako dahil may pagkakataon akong makapagnilay sa paraan at sa saglit na aking nais. Malaya kong mapagmamasdan ang aking nakaraan kahit hindi ko ito kayang baguhin. Malaya rin akong maghanda para bukas upang kung ano man ang hilingin sa akin ng mga pagkakataon, ng Dios, ng aking mga mahal sa buhay, ng aking kapitbahay, ng aking nakakasalubong sa daan, ng mga taong ni hindi ko kilala subalit nakasalalay sa kanila ang aking kaligtasan, ng mga nilalang na may interes sa aking mga ginagawa, ay makatutugon ako ng malaya at ayon sa aking konsiyensya.

Bukas, o kung kailan mo nais, bumalik ka at baka may kasunod pa ito.

Hindi mo kailangan ng “time machine.”

0 kuro-kuro o puna: