Pages

Tuesday, November 23, 2010

Kung Bangungutin Ka't Magising

“Macario, gising…hoy gising!!!”

Ito ang mga salitang gumising kay Macario. Marahan ngunit mapursige ang paggising ng asawa sa kanya. Tuluyan na ngang nagising si Marcario at nang maalimpungatan, noon na lamang niya napagtanto na binangungot na yata sya, at ang pang-gigising sa kanya ng asawa ang nagligtas sa kanya.

“Ano bang napanaginipan mo at iling ka ng iling sabay ungol pa. Buti na lang at nagising ako para gisinging ka.” May pag-alalang sabi sa kanya ng asawa.

“Ewan ko, di ko maalala e. Hayaan mo, mamaya, maaalala ko rin yun.” Pagkasabi nito’y nagbuntong hininga si Macario, pilit na pinapagaan ang kalooban dahil alam niyang maaaring hindi na nga siya nagising kundi dahil sa asawa. Naniniwala kasi siya dun sa sinasabi ng mga matatanda tungkol sa bangungot. Naghahabol siya ng hininga sa kaba ngunit maya-maya pa’y gumaan na ang pakiramdam at nakahinga ng maaayos.

“Anong oras na ba? Tanong ni Macario sa asawa. “Di ba sabi ko nga sa iyo bago matulog kanina e kailangan kong umalis ng maaga ngayon.”

“Maaga pa. Alas-kuwatro pa lang naman. Matulog ka pa at mamaya’y gigisingin na lang kita ulit.” Malumanay na sagot ng asawa. “Sige na, hwag ka nang mag-alala. Huwag mo na ring isipin pa kung ano man yung napanaginipan mo.” Hindi naniniwala sa bangungot ang kanyang asawa ngunit alam nitong di naman yun ang oras para pag-usapan ang bagay na tulad nito.

Hindi na nga makatulog pa si Macario, kaya’t pagkatapos ng ilang minutong pag-ikot ikot sa kama e bumangon na rin siya ng tuluyan. Kanina pa naunang bumangon ang asawa at bumaba patungo sa kusina upang magluto ng almusal.

Bumaba na rin si Macario at nagtungo sa banyo upang maghilamos at umihi. Pagkatapos ay nagkita silang magasawa sa kusina at kahit na nga nagkausap na sila kanina sa kama e nagbeso-beso pa sila sabay bati ng nakaugaliang “good morning sweetheart” sa isa’t-isa.

“O di ka na nakatulog ulit. Di bale, kumain ka na muna at ng makapagpahinga ka pa ng konti bago umalis.” Masuyong sabi ng asawa habang naghahanda ng almusal. Naghanda ito ng tig-dalawa silang pritong itlog, daing na bangus, kape at sinangag na maraming bawang.

Kaka-upo pa lang ni Macario sa harap ng mesa nang maalala niya ang bangungot na naging dahilan upang muntik na siyang di na magising pa. Di man niya pinilit na isipin e tila kusang sumaging muli sa kanyang ala-ala kung ano yun. Subalit nais muna niyang buuin sa kanyang isip ang tinakbo ng bangungot bago niya ito ikuwento sa asawa kaya’t nanatili siyang naka-tingin sa malayo habang nag-iisip, bagay na ikinabahala naman ng asawa.

“Macario…Macario…ano bang iniisip mo?” Tanong ng asawa habang hawak-hawak ang kanyang braso at ina-alog-alog ito. “Nag-aalala ka pa ba tungkol sa panaginip mo?”

“Ha, a…e…oo, at unti-unti ko nang naaalala ulit. Pero binubuo ko pa sa isip ko e. Hayaan mo ikukuwento ko sa iyo pag nabuo ko na. Kain na tayo Dear, hayaan mo na yun.” Sabay subo ng mainit na sinangag na maraming bawang, tulad ng gustong-gusto niya.

Patigil-tigil siya sa pagkain dala ng pagbalik sa kanyang ala-ala ng bangungot. Titingin siya sa malayo at pagkatapos ay sa asawa naman ng may konting ngiti, at susubo ng sinangag o iinom ng kape. At uulitin na naman ni Macario ang ganon – tingin sa malayo, tingin sa asawa, subo ng pagkain o inom ng kape, tingin sa malayo… Sa ganon ay binubuo niya sa isip ang tagni-tagning pagdaloy ng bangungot sa isipan. Lumipas ang halos kalahating oras sa ganong paraan, at tahimik na hinayaan naman siya ng asawa, sa kaalamang may iniisip ito at ayaw niyang gambalain pa.

Nakapila kami sa loob ng eroplanong pang-digmaan – luma, at nanginginig ang buong katawan ng higanteng eroplanong pilit na sinasagupa ang lakas ng hangin at ulan, hinahati ang itim na gabi, ilang libong piye ang taas sa kalangitan. Isa akong sundalo at nasa kalagitnaan ng isang digmaang ewan ko kung sino ang nagsimula. May misyon kaming dapat tuparin – lusubin ang kuta ng kalaban sa itaas ng bundok at ang tanging paraan ay mag-parakayda upang marating iyon. At kailangan gabi upang di kami mamataan ng kalaban. Eto nga at naka-upo kami malapit sa pinto ng eroplano at naghihintay ng senyal mula sa sarhento upang isa-isa kaming tumalon sa kawalan. Pang-labingtatlo ako sa tatalon sa oras na dumating kami sa tamang lugar. Ito ang una kong pagtalon ng tunay matapos magsanay ng kung ilang beses na pagtalon mula sa isang tore at hindi sa isang tunay na eroplanong lumilipad.

Dumating ang senyal ng pagtalon at isa-isang kaming pumila sa tapat ng pinto. Maya-maya’y kumidlat sa malayo at dumagundong ang mapakalakas na kulog na siyang nagdulot ng masidhing kaba sa aking dibdib.

Isa, dalawa, tatlo…tumalon silang tila walang paki-alam sa kung anong bunganga ng demonyo ang lululon sa kanila’t naghihintay sa labas…

Apat…lima… anim…sunod-sunod at walang tanong-tanong sila na sumugod palabas ng pinto ng eroplano.

Pito, walo, siyam…sinalubong sila ng malakas na hangin at ulang halos ihambalos sila pabalik ng eroplano…

Sampu, labing-isa, labing-dalawa…nilamon sila ng kadilimang paminsan-minsang naliliwanagan ng kidlat at ginagambala ng masungit na kulog…

At ako na nga ang susunod…

Ayoko…ayoko…umiiling-iling ako… Kidlat… Kulog... Ayoko, ayoko talaga… Hwag… Ayoko!!!

Hinawakan ako ng dalawang malalaking sundalo sa magkabilang braso at hinila papalapit sa pinto ng eroplano. Humawak ako sa pinto at pilit na pinipigilan ang hindi mapigilang pag tulak nila sa akin. Nakangisi ang sargento habang tinatawag ang pangalan ko. “Macario, talon na! Ngayon din. Naghinhintay sa iyo si Kamatayan sa baba!” Sabay halakhak na tila galling sa kung anong napakalalim na hukay.

Naitulak din nila ako palabas at naramdaman ko ang paghataw ng malakas na hangin at ulan sa aking mukha…at ang mabilis kong pagbulusok sa kawalan pababa sa bundok, kung saan may digmaan.

Pinilit kong alalahanin ang mga bilin ng nagturo sa akin kung ano ang dapat gawin sa oras na iyon.

Ah, dapat kong hilahin ang isang kwerdang magbubukas ng parakayda…asan na yun…asan na…habol-habol ko ang aking hininga…pailing-iling…nasaan ka na…

Sa aking pag-aapurang masumpungan ito ay hinila ko ang lahat ng aking mahawakan. Sa wakas ay nakita ko rin at sa aking pagkabigla’y nahila ko ito ng napakalakas, na siyang ikinaputol nito sa kanyang kinalalagyan…wala na ang taling magliligtas ng aking buhay…ano ito? At patuloy ako sa aking pagkahulog sa gitna ng unos, kadiliman at kawalan. Ungol… Iling… Ungol… Iling…

“Macario…gising…hoy gising!!!

Saturday, November 20, 2010

Mga Bituing Puro Ningning

Alam mo ba na isa sa mga nakikita mong kumikinang na bituin sa langit kung gabi ay maaaring wala na dahil sumabog na ito at naglaho, at ang liwanag na nakikita mo ay ang liwanag na mula sa sumabog na bituing ito at naglalakbay sa kalawakan libo-libong taon na ang nakararaan at patuloy pang maglalakbay hanggang sa walang hanggan?

Ang liwanag na iyon ay kislap na lamang dahil wala na ang bituing pinagmulan noon.

Isa sa mga hindi maalis-alis sa aking isipan hanggang ngayon ay isang maikling katha na aking napag-aralan noong akoy nasa kolehiyo sa Universidad ng Santo Tomas. Ang maikling kwentong iyon ay sa wikang Ingles sapagkat ang asignatura naming ay English Literature o kung ano man ang tawag noong mga panahong iyon. Ang titulo ng maikling katha ay “Dead Stars” na tumutukoy sa isang pag-ibig na matagal nang lumipas para sa pangunahing karakter ng kwento. Nasa isip ng taong ito na siya ay umiibig pa sa kanyang minahal noon kahit na nga ikakasal na siya sa kanyang nobya sa kasalukuyan. Sa aking pagkakatanda sa tinakbo ng kwento, nagkita silang muli ng kanyang dating kasintahan ngunit napagtanto ng lalaki na hindi na pala nya iniibig ang kasintan sa kabila ng inakala niyang may nararamdaman pa siya para dito. Inakala nyang may ningning pa ang kanyang pag-ibig sa kabila ng tinagal ng panahon, subalit yon pala’y wala na ang ningning na iyon. At dito nga hinango ng may akda ang pamagat ng kanyang maikling kwento - “dead stars” o patay na mga bituin.

Ningning na lang pala ang pag-ibig na iyon at wala na nga ang init na dapat sana’y kaalinsabay nito.

Marami tayong mga “dead stars” sa ating buhay. Siguro nga ay may pag-ibig kang dati pa at hinahanap-hanap mo pa rin hanggang ngayon. Subalit para sa akin, may isa pang uri ng “dead stars” na maaari kong tukuyin ngayon. Ito ay ang mga pangarap na humahanap ng katuparan sa kabila ng kawalan ng paraan upang matupad ito. Marahil dahil sa kadukhaan, marahil dahil sa kawala ng lakas at pagkakataon. Mahirap manisi kung sino ang may sala kung bakit nananitiling pangarap ang mga ito. Ang sa atin na lang ay ang hindi mawalan ng pag-asang mabubuhay muli ang liwanag at mag-iinit muli ang damdamin upang maghanap ng paraan upang tuparin ang mga ito sa malinis at mabuting pamamaraan.

Ano ang aking maituturing na “dead stars”?

Marahil naipahiwatig ko na ito sa taas – at hindi ito yung isang lumang pag-ibig kundi ang mga sarili kong pangarap na hindi matupad-tupad, na hanggang ngayon ay naghahanap pa ng paraan ng katuparan. Sa aking kalagayan ngayon, dapat sana’y wala na akong mga “dead stars” subalit magiging ipokrito ako kung hindi ko ito aaminin. Meron nga, at sa aking palagay, higit sa dalawa pa ang mga ito. Saka na lang natin pag-usapan pa kung ano ang mga iyon. Sapat na sa mga pahinang ito na malaman mong meron nga.

Mamayang gabi, tumingin ka sa kalangitan at subukan mong hulaan kung alin sa mga nakikita mong bituin ang tunay na “dead stars”.

May makita ka kaya?

Pagkatapos, tingnan mo ang sarili mong buhay at limiin mo kung meron kang sariling “dead stars” na tinitingala.

Marahil may makikita ka. Sigurado yan.

Friday, November 19, 2010

Sayang at walang tunay na “time machine”

Sayang at walang tunay na “time machine” na maaari kong sakyan ngayon upang makabalik sa nakaraan. Kung maaari nga lang sana e babalik ako siguro ng mga limang taon. Ewan ko kung ano ang madadatnan ko sa panahong iyon pero isa sa mga natitiyak ko e meron na akong sakit sa puso. Teka kung ganoon e di baka mas mabuti pang mga labing limang taon na lang kaya, at sa gayon e baka me magawa pa ako para iwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso. Marami akog gustong gawin sa ngayon na di ko magawa dahil nga sa sakit na ito at wala naman akong magawa dahil nandyan na yan. Ang tangi ko lang pampalubag loob kung baga e, kahit papaano natutustusasn ng kinikita ko sa trabaho ko ang pambili ng gamot. Madalas ko nga maisip na kung wala lang akong sakit e mabibili ko lahat, hindi lang ang mga pangangailangan naming mag-anak kundi pati ang iban pang luho sa buhay na gusto ng aking asawa’t mga anak.

Ito nga ang katayuan ko ngayon.

At kung maaari nga lang maglakbay sa panahon at may mababago ako, pipiliin kong gumawa ng paraan para maging mas malusog ang aking pangangatawan at maka-iwas sa sakit sa puso. Sa malas, wala akong ganoong klase ng “time machine”.

Paglalakbay sa panahon - sa nakaraan ang aking nais.

Ano pa kayang ibang kahilingang mas mahirap na maisakatuparan ang maaaring isipin ng isang tao? Marami ng nagtangka, nakasisiguro ako, subalit tulad ng isang unikornio, wala pang nakasumpong nito. Wala pang nakapaglakbay patungong nakaraan.

Hindi rin naman tayo makakapaglakbay sa hinaharap di ba, pero kung tutuusin, posible ito hindi nga lang sa literal na paraan kundi sa ating isipan at damdamin. May magagawa tayo ngayon upang ihanda ang ating sarili para sa mga kaganapan sa hinaharap. Maitutuwid pa natin ang pagkakamali upang pagdating ng bukas ay mas magaan ang ating kalooban. Makaka-iwas tayo sa mga sarili nating pagpapahirap ng katawan at kaisipan upang makakawala sa kulungang tayo rin ang may gawa. Matatalo natin ang isang multo na tayo rin ang lumikha kung nanaisin natin.

Ang ngayon ay nakaraan na bukas.

Saan ko hahanapin ang dahilan kung bakit ko gustong baguhin ang lahat para bukas kundi ngayon din? Hindi na ako makaka-alpas pa sa tanikala ng nakaraan ko subalit maaari akong humawak sa pag-asa na bukas e iba naman ang dapat kong paghandaan at gawin. Wala ng pagbabago pa ang kahapon ngunit bukas sa lahat ng interpretasyong pangkaisipan ang aking hinaharap.

Ang aking “time machine” ay ang aking kamalayan.

Wala itong limitasyon kundi ang kakayahang hayaan akong magmatyag sa kahapon at magpadama sa akin kung ano ang kailangan kong ihanda ngayon para bukas. Kung sa mga pahina ng literaturang banyaga, ang “time machine” ay nakakapagdala sa isang tao sa nakaraan at sa hinaharap, ang aking “time machine” ay walang kakayahang magdala sa akin sa ibang pisikal na lugar subalit hindi ako nalulungkot. Bagkus natutuwa ako dahil may pagkakataon akong makapagnilay sa paraan at sa saglit na aking nais. Malaya kong mapagmamasdan ang aking nakaraan kahit hindi ko ito kayang baguhin. Malaya rin akong maghanda para bukas upang kung ano man ang hilingin sa akin ng mga pagkakataon, ng Dios, ng aking mga mahal sa buhay, ng aking kapitbahay, ng aking nakakasalubong sa daan, ng mga taong ni hindi ko kilala subalit nakasalalay sa kanila ang aking kaligtasan, ng mga nilalang na may interes sa aking mga ginagawa, ay makatutugon ako ng malaya at ayon sa aking konsiyensya.

Bukas, o kung kailan mo nais, bumalik ka at baka may kasunod pa ito.

Hindi mo kailangan ng “time machine.”