Pages

Tuesday, October 11, 2011

Mga Tanong ng Buhay I - Paano Ba Maging Tatay?

Sabi nila, isang mahalagang katangian ng isang tao ay yung mapagtanong.

Kung hindi mo raw nai-intindihan ang isang bagay, ang mabuti mong gawin ay ang magtanong sa kung sino man ang nakaka-alam tungkol sa bagay na hindi mo alam at gusto mong malaman ang mga bagay-bagay na kaugnay nito. Halimbawa na lang ay yung kung ikaw ay bago sa isang lugar at hindi mo alam kung saan ang direksyon o kalye ng address na iyong pupuntahan. Ang mabuti ay magtanong ka sa mga taga-roon at tiyak na maituturo nila sa iyo kung saan ang patungo roon. Madali mong matutunton ang eksaktong bahay o lugar na iyong pupuntahan at madadali ang pagpunta mo doon. Kung direksyon lang ang di mo alam ay madali nga lang ang solusyon, o kaya ay kung gusto mong magluto ng dinuguan at di mo alam ang recipe e madami kang mapagtatanungan. Kung man ang nanay mo e kahit siguro kapitbahay mo o kumare mo ay alam kung paano magluto ng masarap na ulam na ito.

Ang isang estudyanteng may assignment tungkol sa history e maraming resources na mapagkukunan ng kasagutan. Kung halimbawang ang tanong e tungkol sa kung sino ang naka-diskubre ng gamot na penicillin e madaling makikita ang sagot sa internet sa tulong ng Google. Sa madaling salita, halos lahat ng impormasyon ay madali nating makikita kung alam natin kung sino ang tatanungin at kung saan ito hahanapin.

Subalit paano kung tungkol sa mga bagay na ika nga e seryoso at mula sa karanasan at personal na paniniwala, sino at saan kaya natin makikita ang mga sagot sa mga napakahalagang tanong. Halimbawa nga’y iyong tungkol sa pagiging tatay. Kanino ko itatanong ito? Marahil imumunkahi mong itanong ko ito sa katulad ko ring tatay. Maari nga siguro ano. Magaling, sige itatanong ko sa mga katulad ko ring tatay. Ayan, eto ang tanong – paano nga ba maging tatay, mga kapwa kong tatay? Alam nyo ba ang sagot?

Pero bago nyo sagutin, dapat ko muna sigurong ilahad ang dahilan kung bakit ko itinatanong ito. Sa totoo lang, may tatlo akong anak. Labingtatlong taong gulang ang babaeng panganay, sinundan ng isang lalaking labingisa at bunsong babae na walong taon sa kasalukuyan. Ang aking asawa’y fulltime homemaker; wala siyang trabaho kung saan siya kumikita ngunit puno ang kanyang panahon sa maghapon sa pag-aalaga sa mga bata, paghatid at pagsundo sa eskwelahan, pag-attend sa mga miting, paglalaba, pamamalantsa, at iba pang gawain kung saan siya ang kailangang gumawa. Sa bahay, ako ang karaniwang nagluluto at paminsan-minsa’y naglalaba at namamalantsa.

Dito pa lang ay aaminin ko ng mahirap maging tatay.

At mas madalas kaysa hindi, wala akong alam sa mga bagay na dapat kong gawin upang mailagay sa tama ang pag-uugali ng mahal kong mga anak.

Di ko alam kung paano hindi magalit sa kanila kung hindi nila ginagawa ang dapat gawin sa labas at loob ng aming tahanan.

Di ko alam kung paano mai-uukit sa kanilang murang isipan na unahin ang mga bagay na dapat nilang gampanan bago gawin ang mga bagay na gusto nilang gawin.

Wala akong ideya kung bakit di sila makasunod ng madali at maayos sa mga utos namin, ang kanilang mga magulang.

Nalilito ako kung mali ba o tama ang aking paraan ng pakikitungo at pagpapalaki sa kanila.

Di ko na maalala kung paano ang ginawa ng aking sariling mga magulang noong pinalalaki nilang kaming pitong magkakapatid. At kung sasabihin mong tingnan ko kung paano kami pinalaki at maaari akong makuha ng konting clue ika nga kung paano, sori pero mahihirapan na akong gawin iyon.

Walang eskwelahan para sa mga tatay, o baka naman meron talaga at hindi ko lang alam. Ang alam ko, may mga parenting seminars or classes kung saan man sa syudad pero di ko alam kung saan o kelan ang mga ito.

Ilang beses na akong napapabuntong hininga sa pag-iisip ng kasagutan sa aking tanong pero tila baga talagang mailap and tamang sagot. Sinasabi mo bang magdasal ako at matatagpuan ko hindi lang ang tunay na kasagutan kungdi pati ang tunay na katahimikan ng kalooban tungkol sa pagiging tatay? Masasabi ko ng buong katotohanan na oo, madalas, at ang aking dalangin ay turuan ako ng Panginoon na maging mabuting tatay, asawa, anak, kapatid, at mamamayan – mga papel sa buhay na aking ginagampanan.

Labingtatlong taon na akong tatay (edad din ito ng aking panganay) subalit patuloy pa rin ako sa pagtatanong kung paano gampanan ang napakahalang papel na ito sa aking buhay. Marahil, di ako magiging eksperto tulad noong mga tinataguriang "ulirang ama" subalit sana, may matutunan ako sa kanila kahit paano at kahit konti. Baka sakaling maintindihan ko ng mas malalim ang mga kahulugan ng pag-uugali ng aking mga anak at nang sa gayon ay matuto akong pakitunguhan sila ng ayon sa nararapat upang sila ay mapanuto din sa kanilang sariling buhay na tatahakin.

Tuesday, November 23, 2010

Kung Bangungutin Ka't Magising

“Macario, gising…hoy gising!!!”

Ito ang mga salitang gumising kay Macario. Marahan ngunit mapursige ang paggising ng asawa sa kanya. Tuluyan na ngang nagising si Marcario at nang maalimpungatan, noon na lamang niya napagtanto na binangungot na yata sya, at ang pang-gigising sa kanya ng asawa ang nagligtas sa kanya.

“Ano bang napanaginipan mo at iling ka ng iling sabay ungol pa. Buti na lang at nagising ako para gisinging ka.” May pag-alalang sabi sa kanya ng asawa.

“Ewan ko, di ko maalala e. Hayaan mo, mamaya, maaalala ko rin yun.” Pagkasabi nito’y nagbuntong hininga si Macario, pilit na pinapagaan ang kalooban dahil alam niyang maaaring hindi na nga siya nagising kundi dahil sa asawa. Naniniwala kasi siya dun sa sinasabi ng mga matatanda tungkol sa bangungot. Naghahabol siya ng hininga sa kaba ngunit maya-maya pa’y gumaan na ang pakiramdam at nakahinga ng maaayos.

“Anong oras na ba? Tanong ni Macario sa asawa. “Di ba sabi ko nga sa iyo bago matulog kanina e kailangan kong umalis ng maaga ngayon.”

“Maaga pa. Alas-kuwatro pa lang naman. Matulog ka pa at mamaya’y gigisingin na lang kita ulit.” Malumanay na sagot ng asawa. “Sige na, hwag ka nang mag-alala. Huwag mo na ring isipin pa kung ano man yung napanaginipan mo.” Hindi naniniwala sa bangungot ang kanyang asawa ngunit alam nitong di naman yun ang oras para pag-usapan ang bagay na tulad nito.

Hindi na nga makatulog pa si Macario, kaya’t pagkatapos ng ilang minutong pag-ikot ikot sa kama e bumangon na rin siya ng tuluyan. Kanina pa naunang bumangon ang asawa at bumaba patungo sa kusina upang magluto ng almusal.

Bumaba na rin si Macario at nagtungo sa banyo upang maghilamos at umihi. Pagkatapos ay nagkita silang magasawa sa kusina at kahit na nga nagkausap na sila kanina sa kama e nagbeso-beso pa sila sabay bati ng nakaugaliang “good morning sweetheart” sa isa’t-isa.

“O di ka na nakatulog ulit. Di bale, kumain ka na muna at ng makapagpahinga ka pa ng konti bago umalis.” Masuyong sabi ng asawa habang naghahanda ng almusal. Naghanda ito ng tig-dalawa silang pritong itlog, daing na bangus, kape at sinangag na maraming bawang.

Kaka-upo pa lang ni Macario sa harap ng mesa nang maalala niya ang bangungot na naging dahilan upang muntik na siyang di na magising pa. Di man niya pinilit na isipin e tila kusang sumaging muli sa kanyang ala-ala kung ano yun. Subalit nais muna niyang buuin sa kanyang isip ang tinakbo ng bangungot bago niya ito ikuwento sa asawa kaya’t nanatili siyang naka-tingin sa malayo habang nag-iisip, bagay na ikinabahala naman ng asawa.

“Macario…Macario…ano bang iniisip mo?” Tanong ng asawa habang hawak-hawak ang kanyang braso at ina-alog-alog ito. “Nag-aalala ka pa ba tungkol sa panaginip mo?”

“Ha, a…e…oo, at unti-unti ko nang naaalala ulit. Pero binubuo ko pa sa isip ko e. Hayaan mo ikukuwento ko sa iyo pag nabuo ko na. Kain na tayo Dear, hayaan mo na yun.” Sabay subo ng mainit na sinangag na maraming bawang, tulad ng gustong-gusto niya.

Patigil-tigil siya sa pagkain dala ng pagbalik sa kanyang ala-ala ng bangungot. Titingin siya sa malayo at pagkatapos ay sa asawa naman ng may konting ngiti, at susubo ng sinangag o iinom ng kape. At uulitin na naman ni Macario ang ganon – tingin sa malayo, tingin sa asawa, subo ng pagkain o inom ng kape, tingin sa malayo… Sa ganon ay binubuo niya sa isip ang tagni-tagning pagdaloy ng bangungot sa isipan. Lumipas ang halos kalahating oras sa ganong paraan, at tahimik na hinayaan naman siya ng asawa, sa kaalamang may iniisip ito at ayaw niyang gambalain pa.

Nakapila kami sa loob ng eroplanong pang-digmaan – luma, at nanginginig ang buong katawan ng higanteng eroplanong pilit na sinasagupa ang lakas ng hangin at ulan, hinahati ang itim na gabi, ilang libong piye ang taas sa kalangitan. Isa akong sundalo at nasa kalagitnaan ng isang digmaang ewan ko kung sino ang nagsimula. May misyon kaming dapat tuparin – lusubin ang kuta ng kalaban sa itaas ng bundok at ang tanging paraan ay mag-parakayda upang marating iyon. At kailangan gabi upang di kami mamataan ng kalaban. Eto nga at naka-upo kami malapit sa pinto ng eroplano at naghihintay ng senyal mula sa sarhento upang isa-isa kaming tumalon sa kawalan. Pang-labingtatlo ako sa tatalon sa oras na dumating kami sa tamang lugar. Ito ang una kong pagtalon ng tunay matapos magsanay ng kung ilang beses na pagtalon mula sa isang tore at hindi sa isang tunay na eroplanong lumilipad.

Dumating ang senyal ng pagtalon at isa-isang kaming pumila sa tapat ng pinto. Maya-maya’y kumidlat sa malayo at dumagundong ang mapakalakas na kulog na siyang nagdulot ng masidhing kaba sa aking dibdib.

Isa, dalawa, tatlo…tumalon silang tila walang paki-alam sa kung anong bunganga ng demonyo ang lululon sa kanila’t naghihintay sa labas…

Apat…lima… anim…sunod-sunod at walang tanong-tanong sila na sumugod palabas ng pinto ng eroplano.

Pito, walo, siyam…sinalubong sila ng malakas na hangin at ulang halos ihambalos sila pabalik ng eroplano…

Sampu, labing-isa, labing-dalawa…nilamon sila ng kadilimang paminsan-minsang naliliwanagan ng kidlat at ginagambala ng masungit na kulog…

At ako na nga ang susunod…

Ayoko…ayoko…umiiling-iling ako… Kidlat… Kulog... Ayoko, ayoko talaga… Hwag… Ayoko!!!

Hinawakan ako ng dalawang malalaking sundalo sa magkabilang braso at hinila papalapit sa pinto ng eroplano. Humawak ako sa pinto at pilit na pinipigilan ang hindi mapigilang pag tulak nila sa akin. Nakangisi ang sargento habang tinatawag ang pangalan ko. “Macario, talon na! Ngayon din. Naghinhintay sa iyo si Kamatayan sa baba!” Sabay halakhak na tila galling sa kung anong napakalalim na hukay.

Naitulak din nila ako palabas at naramdaman ko ang paghataw ng malakas na hangin at ulan sa aking mukha…at ang mabilis kong pagbulusok sa kawalan pababa sa bundok, kung saan may digmaan.

Pinilit kong alalahanin ang mga bilin ng nagturo sa akin kung ano ang dapat gawin sa oras na iyon.

Ah, dapat kong hilahin ang isang kwerdang magbubukas ng parakayda…asan na yun…asan na…habol-habol ko ang aking hininga…pailing-iling…nasaan ka na…

Sa aking pag-aapurang masumpungan ito ay hinila ko ang lahat ng aking mahawakan. Sa wakas ay nakita ko rin at sa aking pagkabigla’y nahila ko ito ng napakalakas, na siyang ikinaputol nito sa kanyang kinalalagyan…wala na ang taling magliligtas ng aking buhay…ano ito? At patuloy ako sa aking pagkahulog sa gitna ng unos, kadiliman at kawalan. Ungol… Iling… Ungol… Iling…

“Macario…gising…hoy gising!!!

Saturday, November 20, 2010

Mga Bituing Puro Ningning

Alam mo ba na isa sa mga nakikita mong kumikinang na bituin sa langit kung gabi ay maaaring wala na dahil sumabog na ito at naglaho, at ang liwanag na nakikita mo ay ang liwanag na mula sa sumabog na bituing ito at naglalakbay sa kalawakan libo-libong taon na ang nakararaan at patuloy pang maglalakbay hanggang sa walang hanggan?

Ang liwanag na iyon ay kislap na lamang dahil wala na ang bituing pinagmulan noon.

Isa sa mga hindi maalis-alis sa aking isipan hanggang ngayon ay isang maikling katha na aking napag-aralan noong akoy nasa kolehiyo sa Universidad ng Santo Tomas. Ang maikling kwentong iyon ay sa wikang Ingles sapagkat ang asignatura naming ay English Literature o kung ano man ang tawag noong mga panahong iyon. Ang titulo ng maikling katha ay “Dead Stars” na tumutukoy sa isang pag-ibig na matagal nang lumipas para sa pangunahing karakter ng kwento. Nasa isip ng taong ito na siya ay umiibig pa sa kanyang minahal noon kahit na nga ikakasal na siya sa kanyang nobya sa kasalukuyan. Sa aking pagkakatanda sa tinakbo ng kwento, nagkita silang muli ng kanyang dating kasintahan ngunit napagtanto ng lalaki na hindi na pala nya iniibig ang kasintan sa kabila ng inakala niyang may nararamdaman pa siya para dito. Inakala nyang may ningning pa ang kanyang pag-ibig sa kabila ng tinagal ng panahon, subalit yon pala’y wala na ang ningning na iyon. At dito nga hinango ng may akda ang pamagat ng kanyang maikling kwento - “dead stars” o patay na mga bituin.

Ningning na lang pala ang pag-ibig na iyon at wala na nga ang init na dapat sana’y kaalinsabay nito.

Marami tayong mga “dead stars” sa ating buhay. Siguro nga ay may pag-ibig kang dati pa at hinahanap-hanap mo pa rin hanggang ngayon. Subalit para sa akin, may isa pang uri ng “dead stars” na maaari kong tukuyin ngayon. Ito ay ang mga pangarap na humahanap ng katuparan sa kabila ng kawalan ng paraan upang matupad ito. Marahil dahil sa kadukhaan, marahil dahil sa kawala ng lakas at pagkakataon. Mahirap manisi kung sino ang may sala kung bakit nananitiling pangarap ang mga ito. Ang sa atin na lang ay ang hindi mawalan ng pag-asang mabubuhay muli ang liwanag at mag-iinit muli ang damdamin upang maghanap ng paraan upang tuparin ang mga ito sa malinis at mabuting pamamaraan.

Ano ang aking maituturing na “dead stars”?

Marahil naipahiwatig ko na ito sa taas – at hindi ito yung isang lumang pag-ibig kundi ang mga sarili kong pangarap na hindi matupad-tupad, na hanggang ngayon ay naghahanap pa ng paraan ng katuparan. Sa aking kalagayan ngayon, dapat sana’y wala na akong mga “dead stars” subalit magiging ipokrito ako kung hindi ko ito aaminin. Meron nga, at sa aking palagay, higit sa dalawa pa ang mga ito. Saka na lang natin pag-usapan pa kung ano ang mga iyon. Sapat na sa mga pahinang ito na malaman mong meron nga.

Mamayang gabi, tumingin ka sa kalangitan at subukan mong hulaan kung alin sa mga nakikita mong bituin ang tunay na “dead stars”.

May makita ka kaya?

Pagkatapos, tingnan mo ang sarili mong buhay at limiin mo kung meron kang sariling “dead stars” na tinitingala.

Marahil may makikita ka. Sigurado yan.

Friday, November 19, 2010

Sayang at walang tunay na “time machine”

Sayang at walang tunay na “time machine” na maaari kong sakyan ngayon upang makabalik sa nakaraan. Kung maaari nga lang sana e babalik ako siguro ng mga limang taon. Ewan ko kung ano ang madadatnan ko sa panahong iyon pero isa sa mga natitiyak ko e meron na akong sakit sa puso. Teka kung ganoon e di baka mas mabuti pang mga labing limang taon na lang kaya, at sa gayon e baka me magawa pa ako para iwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso. Marami akog gustong gawin sa ngayon na di ko magawa dahil nga sa sakit na ito at wala naman akong magawa dahil nandyan na yan. Ang tangi ko lang pampalubag loob kung baga e, kahit papaano natutustusasn ng kinikita ko sa trabaho ko ang pambili ng gamot. Madalas ko nga maisip na kung wala lang akong sakit e mabibili ko lahat, hindi lang ang mga pangangailangan naming mag-anak kundi pati ang iban pang luho sa buhay na gusto ng aking asawa’t mga anak.

Ito nga ang katayuan ko ngayon.

At kung maaari nga lang maglakbay sa panahon at may mababago ako, pipiliin kong gumawa ng paraan para maging mas malusog ang aking pangangatawan at maka-iwas sa sakit sa puso. Sa malas, wala akong ganoong klase ng “time machine”.

Paglalakbay sa panahon - sa nakaraan ang aking nais.

Ano pa kayang ibang kahilingang mas mahirap na maisakatuparan ang maaaring isipin ng isang tao? Marami ng nagtangka, nakasisiguro ako, subalit tulad ng isang unikornio, wala pang nakasumpong nito. Wala pang nakapaglakbay patungong nakaraan.

Hindi rin naman tayo makakapaglakbay sa hinaharap di ba, pero kung tutuusin, posible ito hindi nga lang sa literal na paraan kundi sa ating isipan at damdamin. May magagawa tayo ngayon upang ihanda ang ating sarili para sa mga kaganapan sa hinaharap. Maitutuwid pa natin ang pagkakamali upang pagdating ng bukas ay mas magaan ang ating kalooban. Makaka-iwas tayo sa mga sarili nating pagpapahirap ng katawan at kaisipan upang makakawala sa kulungang tayo rin ang may gawa. Matatalo natin ang isang multo na tayo rin ang lumikha kung nanaisin natin.

Ang ngayon ay nakaraan na bukas.

Saan ko hahanapin ang dahilan kung bakit ko gustong baguhin ang lahat para bukas kundi ngayon din? Hindi na ako makaka-alpas pa sa tanikala ng nakaraan ko subalit maaari akong humawak sa pag-asa na bukas e iba naman ang dapat kong paghandaan at gawin. Wala ng pagbabago pa ang kahapon ngunit bukas sa lahat ng interpretasyong pangkaisipan ang aking hinaharap.

Ang aking “time machine” ay ang aking kamalayan.

Wala itong limitasyon kundi ang kakayahang hayaan akong magmatyag sa kahapon at magpadama sa akin kung ano ang kailangan kong ihanda ngayon para bukas. Kung sa mga pahina ng literaturang banyaga, ang “time machine” ay nakakapagdala sa isang tao sa nakaraan at sa hinaharap, ang aking “time machine” ay walang kakayahang magdala sa akin sa ibang pisikal na lugar subalit hindi ako nalulungkot. Bagkus natutuwa ako dahil may pagkakataon akong makapagnilay sa paraan at sa saglit na aking nais. Malaya kong mapagmamasdan ang aking nakaraan kahit hindi ko ito kayang baguhin. Malaya rin akong maghanda para bukas upang kung ano man ang hilingin sa akin ng mga pagkakataon, ng Dios, ng aking mga mahal sa buhay, ng aking kapitbahay, ng aking nakakasalubong sa daan, ng mga taong ni hindi ko kilala subalit nakasalalay sa kanila ang aking kaligtasan, ng mga nilalang na may interes sa aking mga ginagawa, ay makatutugon ako ng malaya at ayon sa aking konsiyensya.

Bukas, o kung kailan mo nais, bumalik ka at baka may kasunod pa ito.

Hindi mo kailangan ng “time machine.”

Friday, July 10, 2009

Si Luwalhati at Blangelina 2

Habang tulog ang lahat ng gabing iyon, habang naghihintay sila ng pagbubukang liwayway, lingid sa kanilang kaalaman ay nagsisimulang pumukaw sa isisilang pa lang na bagong araw ang isang ordinaryong pangyayari na magdudulot ng isang ekstra ordinaryong karanasan para sa kanilang lahat.

Isang mababang ulap ang unti unting bumalot sa kanilang tinutuyang kweba. Animo'y may kung anong matalinong bibig ang nagbubuga ng hangin upang ang ulap na ito ay makapasok sa kweba. Ano pa't sa kapal ng maputlang ulap ay wala kang makikita ano man, at kung tatangkain mong gumalaw ay tiyak na matitisod mo ang kung anong bagay sa iyong paligid. Subalit dahil tulog nga sina Luwalhati at Blangelina at ang kanilang mga alipores, wala silang malay lahat sa mga nangyayari. Tila lalo pa yata silang natulog ng mahimbing dahil sa ulap na iyon.

Unang nagising si Luwalhati at nag inat-inat sabay hikab ng malakas, na siya namang ikinagulat ng kanyang mga alipores. Sila man ay naghikab din ng malakas at sapat na iyon upang magising din ang iba pa. Una niyang napansin na patay na lahat ang mga sulong kanilang ginamit na ilaw ng nakaraang gabi. Tanging mahinang sinag ng araw na nagmumula sa may bungad ng kweba ang nagbibigay ng liwanag sa loob.

Mayamaya pa'y nag-utos na si Blangelina sa kanyang mga alagad na maghanda ng almusal para sa lahat. Kumaripas naman ng kilos ang punong alagad nya upang maghanda.

Sinimulan niyang tunguhin ang lugar kung saan nandoon ang mga kagamitan sa pagluluto. Balak nyang magpakulo ng kape. Doon lang sa may labas ng kweba ang lugar na ito subalit laking gulat nya na hindi tulad ng mga nakaraang umaga na matindi na ang sinag ng araw at pumapasok na ito sa loob ng kweba, ngayon ay medyo madilim pa at tila may mga nakasabit pang baging, halamang gubat, mga tuyong sanga, may berdeng dahon at iba pa.

Nagtaka siya kung bakit ganoon dahil sanay naman syang gumising na medyo mataas na ang araw at nakikita nya ang labas ng kweba na maliwanag na maliwanag na. Kinuha nya ang kangyang itak upang tanggalin ang mga nakaharang sa bungad ng kweba. Unti unti nyang nahawan ang mga halamang iyon sa pamamagitan ng itak ang kanyang mga kamay. Nagkasugat-sugat na nga ang kanyang mga palad dahil doon. Nakita siya ng iba pang mga alipores ni Luwalhati at nagtulong tulong sila. Bakas sa kanilang mga mukha ang gahiganteng pagtataka kung bakit nagkagayon sapagkat kagabi lang sila dumaan doon at napansin nilang maayos at malinis naman kahit papaano.

Naaaninag nila ang labas at nakikita rin nilang may mga sinag na ng araw na tumatagos sa mga halamang gubat na nakaharang sa bungad. Binilisan nila ang paghawan at sa wakas ay nakalabas na silang isa-isa mula sa isang maliit na lagusang kanilang nagawa. Subalit imbes na matuwa sa kanilang nagawa ay tikom ang kanilang bibig, gilalas na gilalas sa kanilang nabugaran sa labas ng kweba.

Samantala sa loob ng kweba ay nagbubulungan sina Luwalhati at Blangelina.

"Ngayon na ang simula ng ating plano. Sigurado ka bang handa na ang mga alagad mo?" Tanong ni Luwalhati kay Blangelina.

"Hmmm...iyan nga ang iniisip ko pa e. Baka mabitin tayo dahil kulang sa training ang mga bata ko...Pero hwag kang mag-alala, kung hindi man sila lahat handa, may tatlo akong alagad na hinding hindi ako ipapahiya." Tugon ni Blangelina, na tila may duda ang tono ng boses.

"Hindi tayo maaaring magkamali sa ating mga plano. Kailangan maisakatuparan na ang mga iyon!" May tono ng paghahamon sa tinig ni Luwalhat. "Kung magtatagumpay tayo, kailangan sa araw ding ito tayo magsimula. Oo, alam kong dalawang taon pa bago tuluyang maghari si Among Bene at wala ng makakapigil pa sa kanyang kapangyarihan. Kailangan na nating simulan ang mga paraan upang unti unti siyang malaglag sa kanyang luklukang trono."

"Naiintindihan ko." Mahinang sabi ni Blangelina, halos sa kanyang sarili lamang.

Natuon ang kanilang pansin sa mga tauhan nilang isa-isang nagtutungo sa bungad ng kweba. Tahimik at nagtitinginan sa isa't isa ang mga ito. May iba namang nagbubulungan at tila ninenerbyos sa nararamdamang nangyayari sa labas ng kweba.

Sumunod sina Luwalhati at Blangelina sa mga ito hanggang sa makalabas. Sila man ay natahimik sa kanilang nakita.

May karugtong

Thursday, April 24, 2008

Si Luwalhati at si Blangelina

"Aba, mukhang naiimbyerna na si Mother!"

"Oo nga, kitang-kita na sa kulubot niyang fez at tila malalaglag na ang kanyang baba sa kakaisip kung paano tayo makakalamang kay Blangelina."

Walang magawa ang dalawang alipores ni Luwalhati kundi masdan ang kanilang amo at magbuntung hininga na lamang. Sa loob ng kanilang madilim at mainit na kweba, awa ang kanilang nararamdaman para sa kanilang amo.

Galing sa iisang angkan sina Luwalhati at Blangelina. Bagama't iisa rin ang kanilang layunin na sugpuin ang pwersa ni Among Bene na siyang Pangkalahatang Bantay ng lupain ng Sapin-sapin, mahigpit ang kanilang kumpetisyon. Kailangang mapasa-kanila ang pagmamay-ari at kapangyarihan ng lupaing ito upang maging ganap ang kanilang pagka panginoon.

Subalit isa lang sa kanilang dalawa ang dapat lumuklok sa trono at maging panginoon ng lahat.

May kani-kaniya silang lakas na pilit nilang pinananaig laban sa isa't-isa. Gayon din naman mayroon din angking kahinaan ang bawat isa. Pilit at lihim nilang tinutuklas ito upang magamit din laban sa isat-isa.

Sa ngayon, tila patas ang dalawa - walang nakakalamang, wala rin namang dehado ika nga. Gayon pa man, nagbabalak ang bawat isa ng isang paraang magbibigay ng kalamangan sa susunod na pagtutunggali.

"Mam, alam ko na ang dapat mong gawin!" Bulalas ng alipores ni Luwalhati. "If you can't beat them, join them."

"Teka, wag mo nga akong pangunahan, hayaan mo akong mag-isip. Leche ka." Sagot ni Luwalhati na halatang galit sa alipores. Nag-isip siya sandali at maya-maya pa'y nagsalita, "Aha, alam ko na, sasabihin ko kay Blangelina na magkampihan na lang kami at haraping sabay ang aming kalaban. Tama, yang ang aking gagawin!" Sabay LOL.

Nagulat ang ikalawang alipores sa tinuran ng amo. "Mam, IMHO, tama ka at hwag na hwag kang makikinig kailanman sa sinasabi ng aking katoto rito."

"Shhh. Hwag na kayong magtalo. Halikayo at puntahan natin si Blangelina. Kakausapin ko siya ngayon din." Pag-aaya ng amo sa mga alipores.

Samantala, nang mga sandaling iyon, nagkakatipon sina Blangelina at ang kanyang mga kampon sa paligid ng isang kumukulong talyase ng mainit at maitim na langis sa loob ng sariling kweba. Nakikita nila roon ang bahagi ng kweba ni Luwalhati kung saan nag-uusap ang mga iyon. May nailagay pala ang kanyang kampon na isang spy camera kaya't maliwanang niyang nakikita at naririnig ang pinag-uusapan ng katunggali.

"Hmmm....tila may binabalak na hindi ko gusto si Luwalhati. Mga bata, humanda kayo sa kanilang pagdating. Kunyari ay hindi natin alam. Papapasukin natin sila dito sa ating kweba at kung may gawin silang masama laban sa atin, titirahin natin silang lahat. Humanda kayo!" Utos niya sa lahat. Iniutos din niya sa gwardya ng kweba na kilatising mabuti ang mga darating at papasukin kung walang dalang sandata.

Nakarating sina Luwalhati sa kweba ni Blangelina. At matapos silang inspeksuynin ng gwardia ay mabilis naman silang nakapasok. Alerto ang mga kampon ni Blangelina sa bawat kilos ng mga bisita. Bagama't iisa silang lahi, hindi madali para sa kanila, o para sa angkan nila Luwalhati, ang pagtiwalaan ang kapwa dahil na rin sa likas nilang mapanlinlang na ugali.

Nakapasok ang grupo ni Luwalhati sa silid ni Blangelina. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at ipinaliwanag ang kanyang plano. Matapos ang ilang sandali ng pag-iisip, sumangayon din ang kanyang kausap.

Kinabukasan, sisimulan nila ang nabuong plano.

May karugtong...

Monday, April 7, 2008

Ang Tanghalian ni Mang Juan

Naka-upo na si Mang Juan sa kanyang kinaugliang puwesto sa kanyang paboritong pondahan sa kanto ng Kalye Maca at eskinita Arro. Karaniwan na siyang umuupo doon simula alas onse y media ng tanghali araw araw at o-order ng kanyang pananghalian. Matagal na niyang ginagawa ito mula ng iwanan na siya ng kanyang asawa. Wala namang makatukoy kung kailan ito nangyari. Basta ayon sa kwento ng matanda, umalis na lang ng walang paalam ang kanyang asawa. At sa edad nyang animnaputdalawa, at dahil siya'y pensiyonado naman, pinili na rin niyang mabuhay ng mag-isa at hwag nang habulin pa ang kanyang dating asawa. May kanya-kanya namang buhay na rin ang dalawa nilang anak kaya hindi na siya nakaramdam ika nga na guilty siya o kung ano man.

Sa pagkaka-alam ng marami, sa sariling bahay siya nag-aalmusal ng tig-dadalawang pisong pandesal at kape. Gayun din naman sa hapunan, lamang ay walang nakaka-alam kung ano ang madalas niyang kainin.

Maganang kumain si Mang Juan. Maayos ang kanyang pangangatawan at hindi sakitin kaya naman wala siyang pinipili o inaayawang ulam - baboy, baka, manok, gulay, isda - lahat kinakain niya basta gusto niya ang pagkakaluto.

Ang kaibahan nga lang, mapili siya sa kanin - hindi pwede sa kanya ang bigas ng NFA, dapat commercial rice, yun bang dinorado, sinandomeng at iba pa, ang kanyang kakainin o hindi na siya kakain.

Nang malaman ko ito, aba sabi ko, napaka-sosyal naman pala talaga nitong si Mang Juan. Akalain mong namimili pa ng uri ng bigas na kinakain! At pinagbibigyan naman siya nitong may ari ng pondahan. Nagsasaing si Aling Ason ng dinorado para sa kanya, mas mahal nga lang naman siempre. Hindi lang naman para kay Mang Juan ito. Ipinagbibili rin ni Aling Ason ang kanin sa sinumang nais kumain ng masarap na kanin.

Hanggang sa pumutok na nga ang mga balitang nagkaka-ubusan na daw ng murang bigas. May nagtatago nito at umaasang tataas pa ang presyo. May naghahalo ng mura sa mahal at siempre ibinebenta sa mas mahal na halaga.

Maraming nabahala.

Mayroon ding nagtataka kung bakit biglang-bigla e naiba yata ang pinag-uusapan ng mga tao sa lansangan at sa mga peryodiko. Natabunan ng balita tungkol sa bigas ang mga usapan tungkol sa iskandalong kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno at iba pang pribadong tao.

May iba pa ngang scam na tuluyan nang nakalimutan, tulad noong sa bomba para sa patubig sa isang probinsiya na hindi naman natanggap ng mga magsasaka pero pinababayaran sa kanila ang umano'y inutang nilang bomba. O kaya e yung kinasasangkutan naman daw ng mga biik, kung saan pinapirma yung mga tao na may natanggap kunwari na biik subalit wala naman.

Nang tanghali ngang iyon sa pondahan, narinig ko si Mang Juan na nagbibida sa kanyang mga kasalo, habang ngumunguya ng inihaw na liempo at ng paborito nyang kanin. Nandoon ako dahil nasa probinsya naman ang aking mag-iina at nagbabakasyon kaya't nagpasya akong doon na lang kumain pansamantala ng ilang araw. Mas matipid kasi kesa kung bibili pa ako sa palengke at magluluto ng para sa isang tao lamang.

Sabi niya, "Tila wala na yatang mabuting balitang mababasa o maririnig sa radyo a. Lahat na yata e puro mga pabigat sa balikat ng mga mamamayan. Pero buti na lang, hindi ako apektado nitong kakulangan ng bigas ng NFA. Hindi naman ako kumakain noon kaya OK lang sa akin." Sabay tawa ng konti, tawang tila may bahid ng pangungutya at paghamon sa mga nakikinig sa kanya.

Sumabat na nga ako sa usapan ng mga matatanda. "Mang Juan," sabi ko sa kanya, "bilib naman ako sa inyo. Talagang hindi kayo kakain ng mumurahing kanin ano, kahit na nga umabot pa sa singkwenta pesos isang kilo ng paborito nyong bigas!"

"Ganun na nga. Hindi kasi ako sanay kumain ng ibang klase e. Parang hindi ko malulon." Sagot ng matanda.

"E kung maubos at walang ng ibinebentang commercial rice, e di magugutom kayo!" sabay ngisi ko sa kanya.

"Hindi naman, dahil puro ulam na lang ang sasabakan ko!" sagot niya na sinundan ng halahak, na sinabayan din ng iba pang kumakain doon.

Nang gabing iyon, pinaglamayan si Mang Juan dahil nabulunan habang naghahapunang mag-isa sa kanyang bahay.

(Ang larawan sa itaas ay galing kay Eli.)