Pages

Monday, January 28, 2008

Hindi Nga Masama ang Pag-Unlad


Sa kasalukuyan, may isang patalastas na nagpapakita daw na umunlad na nga ang mga Pilipino mula sa kahirapan, at tila baga ang tinutukoy na dahilan ay ang pangkasalukuyang administrasyon. "Oo nararamdaman ko na ang pag-asenso"..."Nakakabili na ako ngayon ng mga kagamitan na hindi ko nabibili noon"..."Nakakapagbigay na ako ng sweldo sa aking ina". Mga patotoo daw na nagpapakita ng pangkalahatang pag-angat ng antas ng buhay dito sa atin.

Hindi ako ekonomista, o isang estadistiko na makapagbibigay ng ilang numero o katunayan upang bigyan ng halaga ang mga bagay na ito. Subalit tanong ko sa aking sarili o sa mga sumasang-ayon sa patalastas na iyon: sino ba ang nagsikap upang makamtan nila ang kasaganaan? Sino ang nagpuyat at nagpagod upang kumita ng salaping pantustos sa kanilang pangangailangan? Sino nga ba ang sumasakay sa mainit at masikip na dyip upang makarating ng nasa oras sa trabaho at hindi mabawasan ang kita dahil nahuli o absent? Yun bang mga pulitikong nakasakay sa kanilang naka aircon na kotse? Yun bang mga opisyal ng gobyernong natutulog sa aircon na kwarto? Yun bang mga maykayang de guardiya pa ang kanilang mga mansyon?

Napakadaling paikutin ng isipan ng mga taong handang yumuko sa mga pambobola ng kung sino man ang makikinabang kung sila ay paniniwalaan!

Umunlad na nga ba ang Pilipinas?

Tinanong kaya nila yung dating nangunguha ng kaning baboy sa amin na nasisante mula sa kanyang trabaho dahil bukod sa matanda na ay bingi pa? Kinuha ba nila ang opinyon ng mga basurerong nakatira sa squatter's area na malapit sa amin? Nakasalamuha ba ng mga gumawa ng patalastas na iyon yung mga nakatira sa kariton na walang ibang matirahan? Sinilip ba nila ang kalagayan sa buhay ng mga isang kahig, isang tukang obrero na kusing ang kinikita dahil kulang sa pinag-aralan?

Anong katwiran kaya ang ibibigay nila upang bigyan ng rason ang kanilang pagpupunyaging umunlad na nga ang bansa?

Asan ang pag-unlad?

Ano ang panukat na gagamitin natin upang masabing may kaunlaran na nga tayo?

Nakasalalay ba sa dami ng teknolohiyang ginagamit sa ngayon? Cellphone? Computer? TV? Naglalakihang mga malls, shopping centers? Paramihan ba ng branch ng mga kainan ng hamburger o pizza? Marahil para sa tulad kon simple at hindi sopistikado ang pag-iisip, ang mga ito nga ay tanda ng pag-unlad. Nung maliit nga ako e wala ang mga ito. Tropical Hut lang ang meron nung elementary ako. At para magkaroon ka nga ng telepono noon e taon kung hindi buwan ang aantayin mo para makapagpakabit dahil PLDT lang ang telco noong araw. Isang branch lang ng SM ang alam kong meron noon, doon sa Cubao sa tapat ng Mercury drug. At hindi pa siya mall noon, isang simpleng tindahan lang talaga ng mga sapatos. College na ng sumikat ang pag gamit ng computer dito sa atin. Linggo o buwan ang lilipas upang makasagap ka ng balita tungkol sa kung ano na ang nangyari sa mga mahal mo sa buhay, sa probinsya man o sa ibayong dagat. Ngayon, instant na kung may cellphone o PC ka.

Marami na ngang pagbabago sa mga bagay-bagay sa mundo natin mula sa nakagisanan ng ilan sa atin. Tunay na may guminhawa ang buhay at mas naging madali ang ilang gawain dahil sa kaunlaran. Ngunit ano kaya ang kapalit nito? Sa bawat pag start ng kotse mo ay may sinusunog itong gatong na nagpapadumi ng hangin. Sa tuwing sisindihan mo ang ilaw sa bahay ay may nakukunsumong kuryente na nagmula sa pagsunog ng langis na hindi na mapapalitan pa. Kung susuriin, halos lahat ng ating galaw ngayon ay nagbubunga ng epekto sa kapaligiran. Saan at kailan tayo titigil upang limiin ang tamang landas na atin dapat tunguhin upang maiwasan ang pag abuso sa Inang Kalikasan?

Kung may mga bagay na nagbago, may ilan ding mga aspetong hindi mabago-bago. At hindi lahat ng mga pagbabago ay nakabubuti sa ating kapaligiran, at hindi rin naman nangangahulugan na ang hindi nagbabago ay sadyang masama. Iba-iba ang ruta ng kalakaran ng buhay at ang ikasasama o ikabubuti nito ay nakasalalay sa ating lahat.

Susunod: Mayroon lang akong hinihiling

5 kuro-kuro o puna:

Iwi finds said...

tanong mo sa kanila bakit mas malaki pa ang sahod ko bilang katulong ng mga puti kaysa sa isang propesyunal na de opisina?

baka sabihin naman e syempre nasa ibang bansa ka diba?

wag mong intindihin ang isang bayaran na adbertisment para lang masabing okey nga ang ekonomiya ng pinas...

nang uuto lang yan kapatid.

Taong Bundok said...

Oo nga e, marami pa ring utu-uto dito sa atin sa kabila ng lahat na nangyari na dito. Ang masama pa, yun pwedeng may gawin upang mabago para sa kabutihan ang siyang nauuto at ayaw gumawa ng tama para sa lahat.
Salamat sa iyong mga comment, pinahahalagahan ko ito ng lubos. Ikaw ang kauna-unahang nilalang na nakabasa at nagbigay importansiya sa dito...Mabuhay ka lagi, Melai!

Iwi finds said...

bayaan mo pre..dadami din ang magbabasa at magkokomento dito :) basta may mga blog na ganito may makakabasa ibig sabihin may mamumulat ka kahit papano...hindi man tayo direktang makilahok sa kalsada :) basta tuloy pa rin ang laban para sa bayan sa pamamagitan ng pagbablag diba :)

kung gusto mo palang magjoin sa pandayan join ka lang :) pwede ka gumawa ng sarili mong katha tapos bigyan kita email yourname@pandayan.org...baka gumawa din tayo ng forum dun :)

salamat!

Taong Bundok said...

maraming salamat ulit. aantayin ko yung sa pandayan.

Iwi finds said...

gawa na yung pandayan although hindi pa sya tapos, me mga plano ko pero d ko pa magawa e :( katatapos ko lang tapusin yung mahabang kwestioneyr na galing sa isang UP student about blog ethics sa klase daw nila sa Media Ethics class...pag sinimulan ko to tengga na naman ang manilenya lol!