Pages

Thursday, April 24, 2008

Si Luwalhati at si Blangelina

"Aba, mukhang naiimbyerna na si Mother!"

"Oo nga, kitang-kita na sa kulubot niyang fez at tila malalaglag na ang kanyang baba sa kakaisip kung paano tayo makakalamang kay Blangelina."

Walang magawa ang dalawang alipores ni Luwalhati kundi masdan ang kanilang amo at magbuntung hininga na lamang. Sa loob ng kanilang madilim at mainit na kweba, awa ang kanilang nararamdaman para sa kanilang amo.

Galing sa iisang angkan sina Luwalhati at Blangelina. Bagama't iisa rin ang kanilang layunin na sugpuin ang pwersa ni Among Bene na siyang Pangkalahatang Bantay ng lupain ng Sapin-sapin, mahigpit ang kanilang kumpetisyon. Kailangang mapasa-kanila ang pagmamay-ari at kapangyarihan ng lupaing ito upang maging ganap ang kanilang pagka panginoon.

Subalit isa lang sa kanilang dalawa ang dapat lumuklok sa trono at maging panginoon ng lahat.

May kani-kaniya silang lakas na pilit nilang pinananaig laban sa isa't-isa. Gayon din naman mayroon din angking kahinaan ang bawat isa. Pilit at lihim nilang tinutuklas ito upang magamit din laban sa isat-isa.

Sa ngayon, tila patas ang dalawa - walang nakakalamang, wala rin namang dehado ika nga. Gayon pa man, nagbabalak ang bawat isa ng isang paraang magbibigay ng kalamangan sa susunod na pagtutunggali.

"Mam, alam ko na ang dapat mong gawin!" Bulalas ng alipores ni Luwalhati. "If you can't beat them, join them."

"Teka, wag mo nga akong pangunahan, hayaan mo akong mag-isip. Leche ka." Sagot ni Luwalhati na halatang galit sa alipores. Nag-isip siya sandali at maya-maya pa'y nagsalita, "Aha, alam ko na, sasabihin ko kay Blangelina na magkampihan na lang kami at haraping sabay ang aming kalaban. Tama, yang ang aking gagawin!" Sabay LOL.

Nagulat ang ikalawang alipores sa tinuran ng amo. "Mam, IMHO, tama ka at hwag na hwag kang makikinig kailanman sa sinasabi ng aking katoto rito."

"Shhh. Hwag na kayong magtalo. Halikayo at puntahan natin si Blangelina. Kakausapin ko siya ngayon din." Pag-aaya ng amo sa mga alipores.

Samantala, nang mga sandaling iyon, nagkakatipon sina Blangelina at ang kanyang mga kampon sa paligid ng isang kumukulong talyase ng mainit at maitim na langis sa loob ng sariling kweba. Nakikita nila roon ang bahagi ng kweba ni Luwalhati kung saan nag-uusap ang mga iyon. May nailagay pala ang kanyang kampon na isang spy camera kaya't maliwanang niyang nakikita at naririnig ang pinag-uusapan ng katunggali.

"Hmmm....tila may binabalak na hindi ko gusto si Luwalhati. Mga bata, humanda kayo sa kanilang pagdating. Kunyari ay hindi natin alam. Papapasukin natin sila dito sa ating kweba at kung may gawin silang masama laban sa atin, titirahin natin silang lahat. Humanda kayo!" Utos niya sa lahat. Iniutos din niya sa gwardya ng kweba na kilatising mabuti ang mga darating at papasukin kung walang dalang sandata.

Nakarating sina Luwalhati sa kweba ni Blangelina. At matapos silang inspeksuynin ng gwardia ay mabilis naman silang nakapasok. Alerto ang mga kampon ni Blangelina sa bawat kilos ng mga bisita. Bagama't iisa silang lahi, hindi madali para sa kanila, o para sa angkan nila Luwalhati, ang pagtiwalaan ang kapwa dahil na rin sa likas nilang mapanlinlang na ugali.

Nakapasok ang grupo ni Luwalhati sa silid ni Blangelina. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at ipinaliwanag ang kanyang plano. Matapos ang ilang sandali ng pag-iisip, sumangayon din ang kanyang kausap.

Kinabukasan, sisimulan nila ang nabuong plano.

May karugtong...

Monday, April 7, 2008

Ang Tanghalian ni Mang Juan

Naka-upo na si Mang Juan sa kanyang kinaugliang puwesto sa kanyang paboritong pondahan sa kanto ng Kalye Maca at eskinita Arro. Karaniwan na siyang umuupo doon simula alas onse y media ng tanghali araw araw at o-order ng kanyang pananghalian. Matagal na niyang ginagawa ito mula ng iwanan na siya ng kanyang asawa. Wala namang makatukoy kung kailan ito nangyari. Basta ayon sa kwento ng matanda, umalis na lang ng walang paalam ang kanyang asawa. At sa edad nyang animnaputdalawa, at dahil siya'y pensiyonado naman, pinili na rin niyang mabuhay ng mag-isa at hwag nang habulin pa ang kanyang dating asawa. May kanya-kanya namang buhay na rin ang dalawa nilang anak kaya hindi na siya nakaramdam ika nga na guilty siya o kung ano man.

Sa pagkaka-alam ng marami, sa sariling bahay siya nag-aalmusal ng tig-dadalawang pisong pandesal at kape. Gayun din naman sa hapunan, lamang ay walang nakaka-alam kung ano ang madalas niyang kainin.

Maganang kumain si Mang Juan. Maayos ang kanyang pangangatawan at hindi sakitin kaya naman wala siyang pinipili o inaayawang ulam - baboy, baka, manok, gulay, isda - lahat kinakain niya basta gusto niya ang pagkakaluto.

Ang kaibahan nga lang, mapili siya sa kanin - hindi pwede sa kanya ang bigas ng NFA, dapat commercial rice, yun bang dinorado, sinandomeng at iba pa, ang kanyang kakainin o hindi na siya kakain.

Nang malaman ko ito, aba sabi ko, napaka-sosyal naman pala talaga nitong si Mang Juan. Akalain mong namimili pa ng uri ng bigas na kinakain! At pinagbibigyan naman siya nitong may ari ng pondahan. Nagsasaing si Aling Ason ng dinorado para sa kanya, mas mahal nga lang naman siempre. Hindi lang naman para kay Mang Juan ito. Ipinagbibili rin ni Aling Ason ang kanin sa sinumang nais kumain ng masarap na kanin.

Hanggang sa pumutok na nga ang mga balitang nagkaka-ubusan na daw ng murang bigas. May nagtatago nito at umaasang tataas pa ang presyo. May naghahalo ng mura sa mahal at siempre ibinebenta sa mas mahal na halaga.

Maraming nabahala.

Mayroon ding nagtataka kung bakit biglang-bigla e naiba yata ang pinag-uusapan ng mga tao sa lansangan at sa mga peryodiko. Natabunan ng balita tungkol sa bigas ang mga usapan tungkol sa iskandalong kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno at iba pang pribadong tao.

May iba pa ngang scam na tuluyan nang nakalimutan, tulad noong sa bomba para sa patubig sa isang probinsiya na hindi naman natanggap ng mga magsasaka pero pinababayaran sa kanila ang umano'y inutang nilang bomba. O kaya e yung kinasasangkutan naman daw ng mga biik, kung saan pinapirma yung mga tao na may natanggap kunwari na biik subalit wala naman.

Nang tanghali ngang iyon sa pondahan, narinig ko si Mang Juan na nagbibida sa kanyang mga kasalo, habang ngumunguya ng inihaw na liempo at ng paborito nyang kanin. Nandoon ako dahil nasa probinsya naman ang aking mag-iina at nagbabakasyon kaya't nagpasya akong doon na lang kumain pansamantala ng ilang araw. Mas matipid kasi kesa kung bibili pa ako sa palengke at magluluto ng para sa isang tao lamang.

Sabi niya, "Tila wala na yatang mabuting balitang mababasa o maririnig sa radyo a. Lahat na yata e puro mga pabigat sa balikat ng mga mamamayan. Pero buti na lang, hindi ako apektado nitong kakulangan ng bigas ng NFA. Hindi naman ako kumakain noon kaya OK lang sa akin." Sabay tawa ng konti, tawang tila may bahid ng pangungutya at paghamon sa mga nakikinig sa kanya.

Sumabat na nga ako sa usapan ng mga matatanda. "Mang Juan," sabi ko sa kanya, "bilib naman ako sa inyo. Talagang hindi kayo kakain ng mumurahing kanin ano, kahit na nga umabot pa sa singkwenta pesos isang kilo ng paborito nyong bigas!"

"Ganun na nga. Hindi kasi ako sanay kumain ng ibang klase e. Parang hindi ko malulon." Sagot ng matanda.

"E kung maubos at walang ng ibinebentang commercial rice, e di magugutom kayo!" sabay ngisi ko sa kanya.

"Hindi naman, dahil puro ulam na lang ang sasabakan ko!" sagot niya na sinundan ng halahak, na sinabayan din ng iba pang kumakain doon.

Nang gabing iyon, pinaglamayan si Mang Juan dahil nabulunan habang naghahapunang mag-isa sa kanyang bahay.

(Ang larawan sa itaas ay galing kay Eli.)

Thursday, April 3, 2008

Ang Pipi

"Aghhh...hmppp...arhhh...ahhh...ikhhh...shhh!!! "Naintindihan mo ba ako? Nakuha mo ba kung ano ang gusto kong sabihin? Nakikita mo ba sa iyong imahinasyon kung ano ang ideang gusto kong iparating sa iyo? "A hindi siguro. Pero sa kabila ng mga para sa iyo'y ungol at ingay ay mga damdamin at kaisipang nakakulong sa aking kalooban. "

Kung ang isang tao'y ipinanganak na bulag, wala siyang ideya kung ano ang itsura ng mga bagay bagay sa kanyang kapaligiran. Sa simula't simula ay hindi nya mabibigyan ng kahulugan ang pisikal na anyo ng kahit ano. Ngunit para sa isang pipi, kahit na nga siya ipinanganak na sa ganoong kalagayan, ay may nabubuo pa rin ideya sa kanyang kaisipan, nakukuha pa rin niyang ikonekta ang isang ideya sa isang kongkreto o abstraktong bagay. Ang problema nga lang, hindi siya makapagbigkas ng mga salita upang maipa-abot ito sa iba at siya ay maintindihan at maunawaan ng mga nakikinig sa kanya.

(Oo, may mga makabagong teknolohiyang magbibigay sa kanya ng boses, subalit hindi ito ang sentro ng aking sulatin sa kasalukuyan.)

Kulang man siya sa isang napakahalagang sentido e buo pa rin ang kanyang kamalayan sa mga nangyayari sa kanyang kapaligiran dahil may iba pang sentido na nagbibigay ng impormasyon sa kanyang katalinuhan.

Ngunit sabi nga ni Ka Freddie sa kanyang awit, hindi makuhang uwawit ng isang pipi dahil ito'y wala ng silbi: walang pumapansin sa kanyang mga ungol at ingay na nililikha. Walang kabuluhan para sa isang normal na tao ang mga ungol at ingay na ito dahil hindi siya nagbibigay ng panahon upang tunay na makaintindi.

Sa kasalukuyan, hindi na siguro magiging sorpresa kahit kanino kung sabihin ko mang naparaming "pipi" sa ating lipunan: simula sa isang saksi daw na ayaw nang magpahayag pa maliban daw sa kanyang nasabi na, hanggang doon sa mga diretsahang kakontsaba sa mga scam na ayaw magsalita dahil sila mismo ang huhukay sa kanilang libingan kung ibubuka nila ang kanilang bibig.

Hindi kapansanan sa isip ang pigiging bingi subalit may mga taong tila ikinakapit ito sa kakulangan ng tamang kaisipan. Para sa kanila, pilit nilang pinapalabas na kung pipi ka, hindi ka na makakapag-isip ng anupaman para sa iyong kapakanan. At ito nga ang inaasahan ng mga taong nagkukubli sa mantel ng politikong kanilang sinusundan. Inaakala nila na dahil may mga piping saksi na hindi sila ipagkakanulo e ligtas sila sa pag-uusig ng kasaysayan.

Sa kalikasan naman, matagal ng naging pipi ang kapaligiran, ngunit tila unti-unti na niyang natatagpuan ang kanyang boses laban sa mga abuso ng ilang taong mapagsamantala. Ang pagbabago sa temperatura ng kapaligiran ay boses ng kalikasang nagsasabi na tigilan o bawasan man lang ang paggamit natin ng mga panggatong na langis dahil ito'y nag-aambag sa tuluyang pagkasira ng mga elementong nagpoprotekta sa ating mundo.

Ang hindi maintindihang pag-ulan sa tag-init o kakulangan ng ulan sa tag-ulan ay badya rin ng masidhing pangungusap ng kalikasan na umisip tayo ng iba pang paraan upang masustentuhan ang katakawan natin sa kuryente at gasolina.

Maraming masasabi sa atin ang isang pipi: hindi lang ang kanilang ungol at ingay ang dapat nating bigyan ng pansin. Ang piping saksi, kung siya man ay hindi makapagsalita dahil sa takot sa pagbabanta sa kanyang buhay, ang piping politiko, kung siya man ay napipi dahil nabusalan ng salapi ang kanyang bibig, ang piping mamayan, kung siya man ay pipi dahil sa kakulangan ng porum kung saan siya maaring magsalita, ang piping kalikasan, kung siya man ay pipi dahil walang gustong umako ng responsabilidad para sa kanya - ang lahat ng mga ito'y makakatagpo lamang ng boses sa pamamagitan natin mismo.

Kung hindi sa pamamagitan natin, kanino?