Pages

Friday, November 16, 2007

Masdan Mo Ang Kapaligiran


Ito mismo ang pamagat ng blag na ito. At gaya nga ng isinulat ko sa kauna-unahang post dito, ang mga katagang ito ay hango sa awit ng grupong Asin.

Sa mga susunod na post ay nais kong bigyan ng pokus ang bawat linya ng awiting ito at gawin ding pamagat ng bawat post. Kaya bilang unang bahagi ng seryeng ito, sisumulan ko sa titulo mismo ng awit.

Ano nga ba ang karapat dapat pagmasdan sa ating kapaligiran? Kung tutuusin, maraming kaakit akit na tanawing magpapatingkad sa tawag sa ating bansa na "Perlas ng Silangan". Ang isang perlas ay katangi tanging hiyas na maituturing, mahirap hanapin at madalang (noon) makuha sa kanyang natural na kalagayan. Ang Pilipinas nga daw ay perlas dahil sa kanyang katutubong kagandahang hindi taglay ng iba pang mga bansa.

Subalit ang perlas na ito ay nagkaroon na ng lamat, ng mantsa, ng galos. Ang perlas na noo'y pinakakaingatang hiyas, ay tila isang prostitutang hitad na nakabalandra sa daanan ng mga importanteng tao, na nakatutukso pang sipain kahit na nga nakadapa na't walang sariling lakas na makabangon.

Hindi isang bansang industriyalisado ang Pilipinas, ngunit bakit malaking porsyento ng kanyang mga basura'y tila produkto ng industriyalisasyon? Bakit mataas ang grado ng polusyon gayong iilan lamang ang mga pabrikang nagpo-prodyus ng lasong itinatapon sa labas lang ng kanilang bakod? Hindi ba ang Pilipinas ang siyang tila palikuran at tapunan ng mga basura ng kanyang mga industriyalisadong kapitbahay?

Ano nga ba ang numero unong nagbubuga ng maitim na usok sa lansangan kungdi ang mga segunda manong mga makinang disel ang gamit na siyang inilalagay sa mga pampasaherong dyipni at bus sa Kamaynilaan at karatig. Kung saan man sila galing, doon ay patapon at wala na silang silbi dahil "luma at gamit na" (bakya mo neneng). Subalit dito, ang mga ito ay nabibigyan ng pangalawang buhay - napalalawig pa ang kanilang produktibong buhay ngunit mausok at malakas gumamit ng disel.

Itinuturo sa asignaturang siyensya na ang mga puno ay tumutulong na linisin ang maruming hangin. Ginagamit nila ang carbon dioxide na produkto ng tao at hayop, at nabibigay naman ng oxygen na siya namang bumubuhay sa mga tao at hayop din. Ito ay tinatawag na "symbiotic relationship". Subalit may mga kung anong pumagitang hindi kanais nais sa relasyong ito. May pumasok na ibang elemento sa pormulang ito: ang mga duming dulot ng mga makinang gumagamit ng langis at kahalintulad na bagay. Dati'y simple lang ang pormula, may oxygen at may carbon dioxide (at iba pang walang masamang dulot na elemento), ngunit ngayon ay mayroon ng carbon monoxide, cyanide, chlorofluorocarbons at iba pang lasong kemikal na unti unting pumapatay sa mga halaman at punong hindi na makayanan ang hambalos na kanilang tinatanggap araw araw. Sira na ang relasyong ito at araw araw ay lumalala pa.

Dapat ko sigurong sabihin na hindi ako naimpluwensiyan ni Al Gore sa kanyang "An Inconvenient Truth (AIT)". Sa palagay ko ay maraming sala sa init at sala sa lamig sa kanyang mga argumento. (Mas malaki rito ang dahil sa rasong politikal, kaysa sa rasong pangkalikasan.) Ngunit may sarili akong mga mata at kamalayan upang ma-obserbahan ko ang mga pagbabago sa aking munting mundo, na munting mundo man ay kabahaging buhay ng mas malaking mundo sa sandaigdigan (universe). Nakikita ko at nararamdaman ang kasamaang dulot ng maruming hangin, ng walang kontrol na pagtatapon ng basura sa ilog at kung saan man. Nararanasan ko ang pahirap na dulot ng maiitim na usok ng mga sasakyan. Nagsisikip ang aking dibdib sa tuwinang makakakita ako ng pagwawalang bahala ng aking kababayan at ang hindi nila pagpapahalaga sa kalinisan ng kalikasan.

Masdan mo ang kapaligiran at sabihin mo sa akin kung ano ang magagawa mo, pakiusap ko lang. Sabi nga, may bukas pa. Ngunit, susuwertihin pa kaya ang ating mga anak na may bukas pa ring masisilayan, bukas na may malinis na kapaligiran at kalikasan?

Susunod: Hindi nga masama ang pag-unlad

Wednesday, November 14, 2007

Ang Kapitbahay Kong Kalbo


Hindi ako mapanglait na tao. Sa ilang pagkakataong nais ko mang pintasan ang aking kapwa, ito ay hinahaluan ko ng katatawanan upang hindi maging tuwiran at maging masakit pakinggan para sa taong aking pinatatamaan.

Katulad ngayon, kahit siguro nga ay ipagsigawan ko pa sa buong mundo na ang kapitbahay ko ay kalbo, e dahil hindi naman niya alam, hindi siya masasaktan. Kung baga sa Ingles, "what you don't know, won't hurt you." Hindi ka masasaktan ng isang bagay na hindi mo alam. Dahil hindi alam ng kapitbahay ko na siya ang pinatutungkulan ko dito, ni hindi niya alam kung sino ako, o kung saan ako nakatira upang makagawa siya ng pagtutukoy na siya nga ang kalbo at ako na kapitbahay niya ang nagsusulat nito, sa palagay ko ay ligtas ako sa anumang ganti mula sa kanya.

Subalit higit sa kanyang kakalbuhan ay ang kanyang kakaibang ugali. Magkasalubong man kami sa kalsada ay diretso pa rin ang kanyang tingin sa malayo. Iniisip ko na tila sinasadya niyang tumingin sa ibang dako upang may dahilan siya na sabihing hindi niya ako nakita o napansin para nga mabati. Sa ilang buwan na naming magkapitbahay, maraming beses na kaming nagkasalubong ngunit bilang sa iisang daliri ang mga pagkakataong nagka kumustahan kami. Daig pa nga siya ng kanyang biyenang lalaki na minsang dumalaw sa kanila at nakasalubong ko. Binati pa ako ng isang magandang umaga na may kasama pang ngiti.

Itinatanong ko sa aking sarili tuloy. Dahil ba siya ay kalbo, kulang sa buhok, kaya't tila kulang din siya sa kagandahang asal? Nakaka apekto kaya sa utak ng tao ang malamigan ito o mabilad sa araw na walang kalasag na kahit ano?

Sa kalikasan, makikita natin na ang mga kabundukan sa ating paligid ay nakakalbo rin. Sila rin kaya ay tulad ng aking kapitbahay na nagpapakita ng ugaling bagot at nawawalan ng kosiderasyon sa mga nilikhang nakapaligid sa kanya. Sumasama rin kaya ang ipinakikita ng kalikasan dahil unti-unting nauubos ang nakabalot na puno't damo na nagbibigay ng proteksyon sa kanya?

Ayon sa ilang dalubhasa sa pag-iral ng panahon sa mundo, nagbabago na raw ang antas ng temperatura dahil sa mga maling ginagawa ng mga tao. Tumataas ito, o umiinit lalo ang panahon dahil sa hindi angkop na pamamahala ng kapaligiran. Nakakadagdag daw dito ang pagkakalbo ng ating mga bundok. Tila baga sumusungit ang panahon dahil sa kalbo na ang mga bundok na humaharang sa malakas na hanging dala ng mga bagyo. Parang lumalakas ang mga ito dahil walang ng hadlang sa kanilang paghahasik ng lagim sa kapatagan.

Wala akong magagawa tungkol sa kapitbahay kong kalbo. Nakatatak na sa kanyang pagkatao kung ano man ang kanyang ipinakikita hindi lamang marahil sa akin, kundi sa lahat ng taong kanyang nakakasalamuha. Ngunit marami pa akong magagawa upang maituwid ang mali sa ating kapaligiran. Hindi ko nais na tuluyang makalbo ang ating mga bundok at tuluyan na ring sumungit lalo ang panahon. Nais kong maranasan ng aking mga apo ang kagandahan ng kalikasan habang nakatanaw sila sa malayo at naghihintay ng panibagong bukas.

Wednesday, November 7, 2007

Ang Simula: Ang Bakit at Para Saan Nito

Matagal ko ng nais simulan ang blag na ito. Hindi ko lang malaman kung papaano ko ito gagawing isang makabuluhang proyekto ng buhay ko. Hindi na ako bata, ibig ko bagang sabihin ay wala na ako sa aking kalakasan ng katawan at pag-iisip. Ang totoo nga nyan ay may sakit pa ako sa puso, kaya't hindi ako maaring makasabay sa ano mang pisikal na gawaing kailangan na lakas ng pangangatawan.

Sa kaisipan naman, marahil din ay hindi na ganoong katalas (kung naging matalas nga ba) ang aking memorya. Kakaunti na rin ang maituturing kong likas na inspirasyon sa aking buhay na magbibigay tulak sa aking emosyon at kamalayan na siyang sasalamin sa nais kong ipahayag. Alalaong baga'y, palubog na ang aking araw. Subalit nais ko pa ring makagawa ng isang testamento sa pamamagitan ng blag na ito na kung hindi man maging salamin ng katotohanang nauukol sa lipunan at kapaligiran, ay maging isang tuntungan ng mga taong nais mamayagpag sa kanilang mundong ginagalawan.

Ang sumusunod na awit ng Asin ay isang testamento ng isang makabayan at maka-kalikasang damdamin. Hindi ka maaaring maging makabayan habang itinatanggi mo ang iyong papel sa pagpapalawig ng kapakinabangan ng kalikasan. At sa pagtatanggol mo ng kalikasan, ipinapakita mo rin ang iyong malasakit sa lipunang nagbibigay sa iyo ng katutubong dangal at katauhan.

Nais kong gawing pundasyon ng blag na ito ang diwa at layunin ng kanta-awtor nito:

Masdan Mo (Ang Kapaligiran)
Asin

Wala ka bang napapansin
Sa iyong mga kapaligiran
Kay dumi na ng hangin
Pati na ang mga ilog natin

REFRAIN 1
Hindi nga masama ang pag-unlad
At malayu-layo na rin ang ating narating
Ngunit masdan mo ang tubig sa dagat
Dati’y kulay asul, ngayo’y naging itim

Ang mga duming ating ikinalat sa hangin
Sa langit, ‘wag na nating paabutin
Upang kung tayo’y pumanaw man
Sariwang hangin, sa langit natin matitikman

REFRAIN 2
Mayro’n lang akong hinihiling
Sa aking pagpanaw, sana ay tag-ulan
Gitara ko ay aking dadalhin
Upang sa ulap na lang tayo magkantahan

AD LIB

Ang mga batang ngayon lang isinilang
May hangin pa kayang matitikman
May mga puno pa kaya silang aakyatin
May mga ilog pa kayang lalanguyan

REFRAIN 3
Bakit ‘di natin pag-isipan
Ang nangyayari sa ating kapaligiran
Hindi nga masama ang pag-unlad
Kung hindi nakakasira ng kalikasan

Darating ang panahon, mga ibong gala
Ay wala nang madadapuan
Masdan mo ang mga punong dati ay kay tatag
Ngayon’y namamatay dahil sa ating kalokohan

REFRAIN 4
Lahat ng bagay na narito sa lupa
Biyayang galing sa Diyos kahit no’ng ika’y wala pa
Ingatan natin at ‘wag nang sirain pa
‘Pagkat ‘pag Kanyang binawi, tayo’y mawawala na

[Repeat REFRAIN]


Sa pamamagitan nito ay humihingi ako ng pahintulot sa mga kinauukulan upang tuluyang gamitin ang awit na ito bilang aking inspirasyon. Kung marapatin ninyong hindi maaari, ipagpaumanhin nyo ang aking pag-aakala at kapangahasan na gawin ito.