Pages

Wednesday, November 14, 2007

Ang Kapitbahay Kong Kalbo


Hindi ako mapanglait na tao. Sa ilang pagkakataong nais ko mang pintasan ang aking kapwa, ito ay hinahaluan ko ng katatawanan upang hindi maging tuwiran at maging masakit pakinggan para sa taong aking pinatatamaan.

Katulad ngayon, kahit siguro nga ay ipagsigawan ko pa sa buong mundo na ang kapitbahay ko ay kalbo, e dahil hindi naman niya alam, hindi siya masasaktan. Kung baga sa Ingles, "what you don't know, won't hurt you." Hindi ka masasaktan ng isang bagay na hindi mo alam. Dahil hindi alam ng kapitbahay ko na siya ang pinatutungkulan ko dito, ni hindi niya alam kung sino ako, o kung saan ako nakatira upang makagawa siya ng pagtutukoy na siya nga ang kalbo at ako na kapitbahay niya ang nagsusulat nito, sa palagay ko ay ligtas ako sa anumang ganti mula sa kanya.

Subalit higit sa kanyang kakalbuhan ay ang kanyang kakaibang ugali. Magkasalubong man kami sa kalsada ay diretso pa rin ang kanyang tingin sa malayo. Iniisip ko na tila sinasadya niyang tumingin sa ibang dako upang may dahilan siya na sabihing hindi niya ako nakita o napansin para nga mabati. Sa ilang buwan na naming magkapitbahay, maraming beses na kaming nagkasalubong ngunit bilang sa iisang daliri ang mga pagkakataong nagka kumustahan kami. Daig pa nga siya ng kanyang biyenang lalaki na minsang dumalaw sa kanila at nakasalubong ko. Binati pa ako ng isang magandang umaga na may kasama pang ngiti.

Itinatanong ko sa aking sarili tuloy. Dahil ba siya ay kalbo, kulang sa buhok, kaya't tila kulang din siya sa kagandahang asal? Nakaka apekto kaya sa utak ng tao ang malamigan ito o mabilad sa araw na walang kalasag na kahit ano?

Sa kalikasan, makikita natin na ang mga kabundukan sa ating paligid ay nakakalbo rin. Sila rin kaya ay tulad ng aking kapitbahay na nagpapakita ng ugaling bagot at nawawalan ng kosiderasyon sa mga nilikhang nakapaligid sa kanya. Sumasama rin kaya ang ipinakikita ng kalikasan dahil unti-unting nauubos ang nakabalot na puno't damo na nagbibigay ng proteksyon sa kanya?

Ayon sa ilang dalubhasa sa pag-iral ng panahon sa mundo, nagbabago na raw ang antas ng temperatura dahil sa mga maling ginagawa ng mga tao. Tumataas ito, o umiinit lalo ang panahon dahil sa hindi angkop na pamamahala ng kapaligiran. Nakakadagdag daw dito ang pagkakalbo ng ating mga bundok. Tila baga sumusungit ang panahon dahil sa kalbo na ang mga bundok na humaharang sa malakas na hanging dala ng mga bagyo. Parang lumalakas ang mga ito dahil walang ng hadlang sa kanilang paghahasik ng lagim sa kapatagan.

Wala akong magagawa tungkol sa kapitbahay kong kalbo. Nakatatak na sa kanyang pagkatao kung ano man ang kanyang ipinakikita hindi lamang marahil sa akin, kundi sa lahat ng taong kanyang nakakasalamuha. Ngunit marami pa akong magagawa upang maituwid ang mali sa ating kapaligiran. Hindi ko nais na tuluyang makalbo ang ating mga bundok at tuluyan na ring sumungit lalo ang panahon. Nais kong maranasan ng aking mga apo ang kagandahan ng kalikasan habang nakatanaw sila sa malayo at naghihintay ng panibagong bukas.

0 kuro-kuro o puna: