Pages

Thursday, January 31, 2008

Mayroon lang akong hinihiling


Sa orihinal na awit ng Asin, sinusundan ang mga kataga ng pamagat ng lathalang ito ng sumusunod:

...
Sa aking pagpanaw, sana ay tag-ulan
Gitara ko ay aking dadalhin
Upang sa ulap na lang tayo magkantahan.

Ang katotohanan ng pagpanaw ng isang nilalang ay naka-amba sa atin sa araw-araw, subalit gayon pa man, ito ay isang pangyayaring nais kong mangyari, maraming maraming taon pa mula ngayon.

Sa isang banda, ang siklo ng buhay ay sadyang dalawa lamang ang puno't dulo: ang ipanganak at pumanaw. At sa pagitan ng dalawang makasaysayang pangyayaring ito ng isang nilalang ay ang mga karanasang magsasabi kung siya ay may prinsipyo, paninindigan, kamalayang buhay at may paki-alam sa kapakanan ng iba, may pinatutunguhang tamang direksyon ayon sa kanyang pananampalataya (pagiging maka Diyos), o kung wala siyang pananampalataya, kahit papaano'y gumagalaw ayon sa tamang asal na angkop sa isang tao.

Sa tinutukoy kong awit, ang kanta-awtor ay umaasang madadala niya ang kanyang gitara: isang instrumentong sumasaliw sa isang boses na nag-iisang kumakatawan sa kanyang panaghoy laban sa paglapastangan sa kalikasan. Masasabi kong isa siyang masining na nilalang, ano pa't nais niyang sa ulap na lang kumanta kasama ng ilan pang mga nilalang na tulad niya'y nagkaroon ng layuning ibahin ang takbo ng mundo tungo sa pagkawasak ng sarili. Sa ulap na nga lang nila magagawa ang kumanta dahil wala ng lupain na matutungan ang kanilang mga paa, o ni walang hanging malinis na makaka suporta sa kanilang mga pakpak (pagkat sa aking imaginasyon sila ay parang mga anghel).

Naalala ko ngayon ang isang awiting pambata tungkol sa ulan. Wala itong kinalaman sa pag salba ng kalikasan ngunit nakatutuwang pag laruin sa imahinasyon kung ano ang kahihinatnan ng eksena kung sakaling maging totoo ito:

"Kung ang ulan ay tsokolate, o kay sarap ng ulan..."

Hindi ko maalala sa kasalukuyan ang iba pang mga letra subalit sapat na ito upang magbigay ito ng kiliti sa aking isipan. Aba, napakasarap naman talaga ng tsokolate! Datapuwat sa aking kalagayan ngayon, ito ay isang pagkain na makapagdudulot ng masamang kalusugan, sapagkat ako ay isang diabetiko. Subalit para sa isang bata, ito na marahil ang katumbas ng langit.

Tsokolate na nga lang sana, imbes na "asidong ulan" (acid rain). Ito ang idinudulot ng malawakang polusyong nangagaling sa mga pagawaang gumagamit ng langis bilang panggatong sa kanilang proseso ng paglika ng produkto. Isang pinanggagalingan din ay ang nakasusulasok na usok mula sa mga sasakyang luma at bulok na ang makinang disel. Ang kanilang ibinubugang polusyon ay sumasama sa hangin at namumuo sa himpapawid. At kapag umulan, ang mga elementong ito ay humahalo naman sa ulan, na siyang nagmimistulang asido na nakakasira sa mga puno at iba pang nasa kalikasan.

Noong bata pa ako, madalas akong maligo sa ulan, sa panahong hindi pa gaano ang kamalayan ng mga tao sa samang idinudulot ng polusyon. Subalit ngayon nga, parang ayaw ko ng paglaruin ang aking mga anak sa ulan, sapagkat nandoon nga ang pangambang baka sila maging biktima ng acid rain at mapasama pa ang kanilang kalusugan.

Tara, mag videoke na lang tayo...

Susunod: Ang mga batang ngayon lang isinilang

3 kuro-kuro o puna:

. said...

Napaganda naman ng mga salitang iyong binibitawan! Nakakagulat para sa akin na sa mga panahong ito'y meron akong nababasa na kagaya nang inyong mga inilalathala! Bukod tangi at talaga namang nakakainspire! Maraming salamat sa inyong pagsi-share ng inyong mga karanasan. Hinding hindi ko palalampasing basahin at bisitahin lagi ang mga kagaya nito. Magandang araw, Sir Rino!

Taong Bundok said...

Maraming salamat sa iyong comment, Ramil. Hayaan mo, sisikapin kong makatugon sa iyong inaasahang mga lathala pa sa hinaharap.

Ven Francis said...

napaka malikhain mo taong bundok. Kahit ako'y ilonggo, dama ko ang pagiging artistahin mo sa pamamagitan ng pagmomonologue mo gamit ang keyboard. Napaka sariwa at natural, isa ka purong tao na mapagmahal sa kapaligiran :)

sumasaludo,
eackouye