Pages

Thursday, January 31, 2008

Mayroon lang akong hinihiling


Sa orihinal na awit ng Asin, sinusundan ang mga kataga ng pamagat ng lathalang ito ng sumusunod:

...
Sa aking pagpanaw, sana ay tag-ulan
Gitara ko ay aking dadalhin
Upang sa ulap na lang tayo magkantahan.

Ang katotohanan ng pagpanaw ng isang nilalang ay naka-amba sa atin sa araw-araw, subalit gayon pa man, ito ay isang pangyayaring nais kong mangyari, maraming maraming taon pa mula ngayon.

Sa isang banda, ang siklo ng buhay ay sadyang dalawa lamang ang puno't dulo: ang ipanganak at pumanaw. At sa pagitan ng dalawang makasaysayang pangyayaring ito ng isang nilalang ay ang mga karanasang magsasabi kung siya ay may prinsipyo, paninindigan, kamalayang buhay at may paki-alam sa kapakanan ng iba, may pinatutunguhang tamang direksyon ayon sa kanyang pananampalataya (pagiging maka Diyos), o kung wala siyang pananampalataya, kahit papaano'y gumagalaw ayon sa tamang asal na angkop sa isang tao.

Sa tinutukoy kong awit, ang kanta-awtor ay umaasang madadala niya ang kanyang gitara: isang instrumentong sumasaliw sa isang boses na nag-iisang kumakatawan sa kanyang panaghoy laban sa paglapastangan sa kalikasan. Masasabi kong isa siyang masining na nilalang, ano pa't nais niyang sa ulap na lang kumanta kasama ng ilan pang mga nilalang na tulad niya'y nagkaroon ng layuning ibahin ang takbo ng mundo tungo sa pagkawasak ng sarili. Sa ulap na nga lang nila magagawa ang kumanta dahil wala ng lupain na matutungan ang kanilang mga paa, o ni walang hanging malinis na makaka suporta sa kanilang mga pakpak (pagkat sa aking imaginasyon sila ay parang mga anghel).

Naalala ko ngayon ang isang awiting pambata tungkol sa ulan. Wala itong kinalaman sa pag salba ng kalikasan ngunit nakatutuwang pag laruin sa imahinasyon kung ano ang kahihinatnan ng eksena kung sakaling maging totoo ito:

"Kung ang ulan ay tsokolate, o kay sarap ng ulan..."

Hindi ko maalala sa kasalukuyan ang iba pang mga letra subalit sapat na ito upang magbigay ito ng kiliti sa aking isipan. Aba, napakasarap naman talaga ng tsokolate! Datapuwat sa aking kalagayan ngayon, ito ay isang pagkain na makapagdudulot ng masamang kalusugan, sapagkat ako ay isang diabetiko. Subalit para sa isang bata, ito na marahil ang katumbas ng langit.

Tsokolate na nga lang sana, imbes na "asidong ulan" (acid rain). Ito ang idinudulot ng malawakang polusyong nangagaling sa mga pagawaang gumagamit ng langis bilang panggatong sa kanilang proseso ng paglika ng produkto. Isang pinanggagalingan din ay ang nakasusulasok na usok mula sa mga sasakyang luma at bulok na ang makinang disel. Ang kanilang ibinubugang polusyon ay sumasama sa hangin at namumuo sa himpapawid. At kapag umulan, ang mga elementong ito ay humahalo naman sa ulan, na siyang nagmimistulang asido na nakakasira sa mga puno at iba pang nasa kalikasan.

Noong bata pa ako, madalas akong maligo sa ulan, sa panahong hindi pa gaano ang kamalayan ng mga tao sa samang idinudulot ng polusyon. Subalit ngayon nga, parang ayaw ko ng paglaruin ang aking mga anak sa ulan, sapagkat nandoon nga ang pangambang baka sila maging biktima ng acid rain at mapasama pa ang kanilang kalusugan.

Tara, mag videoke na lang tayo...

Susunod: Ang mga batang ngayon lang isinilang

Monday, January 28, 2008

Hindi Nga Masama ang Pag-Unlad


Sa kasalukuyan, may isang patalastas na nagpapakita daw na umunlad na nga ang mga Pilipino mula sa kahirapan, at tila baga ang tinutukoy na dahilan ay ang pangkasalukuyang administrasyon. "Oo nararamdaman ko na ang pag-asenso"..."Nakakabili na ako ngayon ng mga kagamitan na hindi ko nabibili noon"..."Nakakapagbigay na ako ng sweldo sa aking ina". Mga patotoo daw na nagpapakita ng pangkalahatang pag-angat ng antas ng buhay dito sa atin.

Hindi ako ekonomista, o isang estadistiko na makapagbibigay ng ilang numero o katunayan upang bigyan ng halaga ang mga bagay na ito. Subalit tanong ko sa aking sarili o sa mga sumasang-ayon sa patalastas na iyon: sino ba ang nagsikap upang makamtan nila ang kasaganaan? Sino ang nagpuyat at nagpagod upang kumita ng salaping pantustos sa kanilang pangangailangan? Sino nga ba ang sumasakay sa mainit at masikip na dyip upang makarating ng nasa oras sa trabaho at hindi mabawasan ang kita dahil nahuli o absent? Yun bang mga pulitikong nakasakay sa kanilang naka aircon na kotse? Yun bang mga opisyal ng gobyernong natutulog sa aircon na kwarto? Yun bang mga maykayang de guardiya pa ang kanilang mga mansyon?

Napakadaling paikutin ng isipan ng mga taong handang yumuko sa mga pambobola ng kung sino man ang makikinabang kung sila ay paniniwalaan!

Umunlad na nga ba ang Pilipinas?

Tinanong kaya nila yung dating nangunguha ng kaning baboy sa amin na nasisante mula sa kanyang trabaho dahil bukod sa matanda na ay bingi pa? Kinuha ba nila ang opinyon ng mga basurerong nakatira sa squatter's area na malapit sa amin? Nakasalamuha ba ng mga gumawa ng patalastas na iyon yung mga nakatira sa kariton na walang ibang matirahan? Sinilip ba nila ang kalagayan sa buhay ng mga isang kahig, isang tukang obrero na kusing ang kinikita dahil kulang sa pinag-aralan?

Anong katwiran kaya ang ibibigay nila upang bigyan ng rason ang kanilang pagpupunyaging umunlad na nga ang bansa?

Asan ang pag-unlad?

Ano ang panukat na gagamitin natin upang masabing may kaunlaran na nga tayo?

Nakasalalay ba sa dami ng teknolohiyang ginagamit sa ngayon? Cellphone? Computer? TV? Naglalakihang mga malls, shopping centers? Paramihan ba ng branch ng mga kainan ng hamburger o pizza? Marahil para sa tulad kon simple at hindi sopistikado ang pag-iisip, ang mga ito nga ay tanda ng pag-unlad. Nung maliit nga ako e wala ang mga ito. Tropical Hut lang ang meron nung elementary ako. At para magkaroon ka nga ng telepono noon e taon kung hindi buwan ang aantayin mo para makapagpakabit dahil PLDT lang ang telco noong araw. Isang branch lang ng SM ang alam kong meron noon, doon sa Cubao sa tapat ng Mercury drug. At hindi pa siya mall noon, isang simpleng tindahan lang talaga ng mga sapatos. College na ng sumikat ang pag gamit ng computer dito sa atin. Linggo o buwan ang lilipas upang makasagap ka ng balita tungkol sa kung ano na ang nangyari sa mga mahal mo sa buhay, sa probinsya man o sa ibayong dagat. Ngayon, instant na kung may cellphone o PC ka.

Marami na ngang pagbabago sa mga bagay-bagay sa mundo natin mula sa nakagisanan ng ilan sa atin. Tunay na may guminhawa ang buhay at mas naging madali ang ilang gawain dahil sa kaunlaran. Ngunit ano kaya ang kapalit nito? Sa bawat pag start ng kotse mo ay may sinusunog itong gatong na nagpapadumi ng hangin. Sa tuwing sisindihan mo ang ilaw sa bahay ay may nakukunsumong kuryente na nagmula sa pagsunog ng langis na hindi na mapapalitan pa. Kung susuriin, halos lahat ng ating galaw ngayon ay nagbubunga ng epekto sa kapaligiran. Saan at kailan tayo titigil upang limiin ang tamang landas na atin dapat tunguhin upang maiwasan ang pag abuso sa Inang Kalikasan?

Kung may mga bagay na nagbago, may ilan ding mga aspetong hindi mabago-bago. At hindi lahat ng mga pagbabago ay nakabubuti sa ating kapaligiran, at hindi rin naman nangangahulugan na ang hindi nagbabago ay sadyang masama. Iba-iba ang ruta ng kalakaran ng buhay at ang ikasasama o ikabubuti nito ay nakasalalay sa ating lahat.

Susunod: Mayroon lang akong hinihiling