Pages

Tuesday, October 11, 2011

Mga Tanong ng Buhay I - Paano Ba Maging Tatay?

Sabi nila, isang mahalagang katangian ng isang tao ay yung mapagtanong.

Kung hindi mo raw nai-intindihan ang isang bagay, ang mabuti mong gawin ay ang magtanong sa kung sino man ang nakaka-alam tungkol sa bagay na hindi mo alam at gusto mong malaman ang mga bagay-bagay na kaugnay nito. Halimbawa na lang ay yung kung ikaw ay bago sa isang lugar at hindi mo alam kung saan ang direksyon o kalye ng address na iyong pupuntahan. Ang mabuti ay magtanong ka sa mga taga-roon at tiyak na maituturo nila sa iyo kung saan ang patungo roon. Madali mong matutunton ang eksaktong bahay o lugar na iyong pupuntahan at madadali ang pagpunta mo doon. Kung direksyon lang ang di mo alam ay madali nga lang ang solusyon, o kaya ay kung gusto mong magluto ng dinuguan at di mo alam ang recipe e madami kang mapagtatanungan. Kung man ang nanay mo e kahit siguro kapitbahay mo o kumare mo ay alam kung paano magluto ng masarap na ulam na ito.

Ang isang estudyanteng may assignment tungkol sa history e maraming resources na mapagkukunan ng kasagutan. Kung halimbawang ang tanong e tungkol sa kung sino ang naka-diskubre ng gamot na penicillin e madaling makikita ang sagot sa internet sa tulong ng Google. Sa madaling salita, halos lahat ng impormasyon ay madali nating makikita kung alam natin kung sino ang tatanungin at kung saan ito hahanapin.

Subalit paano kung tungkol sa mga bagay na ika nga e seryoso at mula sa karanasan at personal na paniniwala, sino at saan kaya natin makikita ang mga sagot sa mga napakahalagang tanong. Halimbawa nga’y iyong tungkol sa pagiging tatay. Kanino ko itatanong ito? Marahil imumunkahi mong itanong ko ito sa katulad ko ring tatay. Maari nga siguro ano. Magaling, sige itatanong ko sa mga katulad ko ring tatay. Ayan, eto ang tanong – paano nga ba maging tatay, mga kapwa kong tatay? Alam nyo ba ang sagot?

Pero bago nyo sagutin, dapat ko muna sigurong ilahad ang dahilan kung bakit ko itinatanong ito. Sa totoo lang, may tatlo akong anak. Labingtatlong taong gulang ang babaeng panganay, sinundan ng isang lalaking labingisa at bunsong babae na walong taon sa kasalukuyan. Ang aking asawa’y fulltime homemaker; wala siyang trabaho kung saan siya kumikita ngunit puno ang kanyang panahon sa maghapon sa pag-aalaga sa mga bata, paghatid at pagsundo sa eskwelahan, pag-attend sa mga miting, paglalaba, pamamalantsa, at iba pang gawain kung saan siya ang kailangang gumawa. Sa bahay, ako ang karaniwang nagluluto at paminsan-minsa’y naglalaba at namamalantsa.

Dito pa lang ay aaminin ko ng mahirap maging tatay.

At mas madalas kaysa hindi, wala akong alam sa mga bagay na dapat kong gawin upang mailagay sa tama ang pag-uugali ng mahal kong mga anak.

Di ko alam kung paano hindi magalit sa kanila kung hindi nila ginagawa ang dapat gawin sa labas at loob ng aming tahanan.

Di ko alam kung paano mai-uukit sa kanilang murang isipan na unahin ang mga bagay na dapat nilang gampanan bago gawin ang mga bagay na gusto nilang gawin.

Wala akong ideya kung bakit di sila makasunod ng madali at maayos sa mga utos namin, ang kanilang mga magulang.

Nalilito ako kung mali ba o tama ang aking paraan ng pakikitungo at pagpapalaki sa kanila.

Di ko na maalala kung paano ang ginawa ng aking sariling mga magulang noong pinalalaki nilang kaming pitong magkakapatid. At kung sasabihin mong tingnan ko kung paano kami pinalaki at maaari akong makuha ng konting clue ika nga kung paano, sori pero mahihirapan na akong gawin iyon.

Walang eskwelahan para sa mga tatay, o baka naman meron talaga at hindi ko lang alam. Ang alam ko, may mga parenting seminars or classes kung saan man sa syudad pero di ko alam kung saan o kelan ang mga ito.

Ilang beses na akong napapabuntong hininga sa pag-iisip ng kasagutan sa aking tanong pero tila baga talagang mailap and tamang sagot. Sinasabi mo bang magdasal ako at matatagpuan ko hindi lang ang tunay na kasagutan kungdi pati ang tunay na katahimikan ng kalooban tungkol sa pagiging tatay? Masasabi ko ng buong katotohanan na oo, madalas, at ang aking dalangin ay turuan ako ng Panginoon na maging mabuting tatay, asawa, anak, kapatid, at mamamayan – mga papel sa buhay na aking ginagampanan.

Labingtatlong taon na akong tatay (edad din ito ng aking panganay) subalit patuloy pa rin ako sa pagtatanong kung paano gampanan ang napakahalang papel na ito sa aking buhay. Marahil, di ako magiging eksperto tulad noong mga tinataguriang "ulirang ama" subalit sana, may matutunan ako sa kanila kahit paano at kahit konti. Baka sakaling maintindihan ko ng mas malalim ang mga kahulugan ng pag-uugali ng aking mga anak at nang sa gayon ay matuto akong pakitunguhan sila ng ayon sa nararapat upang sila ay mapanuto din sa kanilang sariling buhay na tatahakin.