Pages

Tuesday, February 26, 2008

Ang Nawawalang Pitaka

Nakabalik na si Rey sa kanilang bahay ng napansin niyang nawawala ang kanyang pitaka.

Hindi niya maalala kung saan o kailan maaari ito nawala. Pilit man niyang balik-balikan sa kanyang isip ang mga lugar na kanyang pinuntahan simula ng matapos siyang kumain at magbayad sa restawran kung saan siya kumain ng tanghalian ay wala siyang maalala na may naramdaman siyang dumukot nito sa kanyang bulsa o kaya nama'y nahulog ito.

Tila baga basta na lang ito naglaho sa di malamang kadahilanan.

Gayon pa man, sigurado siya na isa lang sa dalawa: ang nadukutan siya o nahulog nga ang kanyang pitaka. Hindi nga lang niya alam kung kailan at saan ito nangyari.

"Malaking halaga pa naman ang naka-ipit sa loob ng pitakang iyon" ang may panghihinayang na nasambit ni Rey sa kanyang sarili. Bagong sweldo kasi siya at iyon pa nga ang dahilang kung bakit nagka lakas loob siyang kumain sa restawran. May pambayad siya at may kasama pang tip na sampung piso sa waiter.

Ngunit ngayon, wala na siyang maiaabot sa kanyang Ina para panggastos sa loob ng dalawang linggo. Wala na rin siyang pambili ng mp3 player na nais sana niyang iregalo sa sarili. Wala na rin siyang maipagmamalaki sa kanyang girlfriend na sana'y idedate niya at yayayaing magpakasal na sa lalong madaling panahon.

Sayang na sayang ang pagkakataon dahil sa nawalang pitaka. Nawala ang inaasahang pag-asenso kahit man lang itong linggong darating.

Ang hindi alam ni Rey ay nadukutan nga siya.

Sa bus na kanyang sinakyan mula Mendiola papuntang Cubao ito nangyari. Malinis ang trabaho ng mandurukot, palibhasa'y sanay na sanay na, ano pa ngat ilang taon na niya ito ginagawa, sa katunayan nga e noon pang 2001, at hindi pa siya nakukulong kahit kailan. Ilang beses na siyang nabistong may ginagawang kalokohan pero dahil sa dulas ng kanyang kilos at galing sa bokada e naililigtas niya ang kanyang sarili. Alam na alam din niya kung sino ang dapat suhulan, kaya nga't kahit ilang beses na siya nahuli at may testigo pa e hindi siya nakukulong.

Galing talaga ng mandurukot na ito.

At ngayon ngang hawak hawak na niya ang pitaka ni Rey, lalo pa siyang naging hambog dahil sa laki ng halagang kanyang nadambong. Marami siyang binabalak gawin para bukas. Yayayain niya ang kanyang may sakit sa pusong asawa na mamili sa Quiapo pagkatapos magsimba. At kakain sila sa Ongpin ng mami at siopao. Aba kayang kaya niyang gumastos ngayon dahil malaking halaga nga ang kanyang nadukot. Tila nasa gloria ang kanyang pakiramdam.

Mahimbing ang kanyang pagtulog ng gabing iyon.

Sa kabilang dako naman, hindi makatulog si Rey dahil pinoproblema niya kung saan niya kukunin ang pangtustos sa kanilang pangangailangan. Paikot-ikot siya sa kanyang tinutulugang banig na nakalatag sa sahig. Malamok at mainit, ngunit wala siyang magawa dahil wala naman silang bentilador man lang.

Bukas, mangungutang na naman siya.

8 kuro-kuro o puna:

wifespeak said...

Magandang araw sa iyo. Napansin ko kasi ang pangalan mo sa shoutbox ng blag ko. Maganda ang iyong adhikain sa iyong blag. Ito ay personal ko ring adhikain. Nawa'y dumami pa ang mga kabataang tulad mong may pakialam sa kalikasan. At sana di natatapos doon ang iyong ipaglalaban sa iyong buhay. Ang mandurukot at ang ating pamahalaan ay iisa ang takbo ng isip. Sana maging bukas ang iyong mata sa mga katotohanan ng ating lipunan. Mabuhay ka!

Taong Bundok said...

Salamat sa iyong comment, wifespeak. Kaya lang hindi na ako kabataan na tulad ng sinabi mo...lol...

wifespeak said...

Sa edad ko, lahat kabataan na. LOL!!!

Babette said...

Dumadalaw lang sa blag mo. :)

Taong Bundok said...

@wifespeak: di ba sabi nga sa atin, kalabaw lang ang tumatanda! Kaya lang dahil sa kahirapan, kayod kalabaw ako kaya't eto parang tumanda na rin...hehehe

@babette: salamat sa dalaw mo, balik ka ulit. At kung pwede mag-imbita ka pa ng iba sa susunod mong dalaw...

Iwi finds said...

hehehe ang galing! para siyang mga script namin noon sa teatro..simpleng istorya pero ang bawat karakter e simbolo :) ...kitang kita ko ang mga ginamit mong simbolo prend :)

Mabuhay ka!

Taong Bundok said...

pwede na ba kong scriptwriter? lol...

Iwi finds said...

oo! pwedeng pwede na :)