Pages

Monday, February 18, 2008

Lahat ng Bagay na Narito sa Lupa

Ipikit mo ang mga mata mo sa loob ng tatlumpung segundo.

Madilim di ba? Wala kang nakikita.

Ngayon, isipin mong isang hating gabi ay pumapasok ka sa isang silid na saradong sarado ang lahat ng mga bintana, patay ang ilaw at paglampas mo ng pinto ay bigla itong sumara sa likod mo. Tapos...

Takot ka ba sa dilim? Malaki ka na, hindi ka na nga siguro takot. Hindi ka na madedenggoy sa sinasabi ng iba na may multo, tikbalang, aswang o kung ano pang lamang lupa na nababalutan ng misteryo at hiwaga.

Alam mong sa kabila ng dilim e nandoon pa rin ang mga pamilyar na bagay sa paligid mo.

Alam mo rin na sa sandaling ibukas mo ang iyong mga mata ay makikita mong muli ang computer sa harap iyong harap, ang pinto sa banda roon, ang mesa sa kabilang dako ng silid...nandoon pa rin silang lahat. Nasanay ka na at hindi mo pinagdududahan na ang kapaligiran mo ay isang katotohanang hindi mawawala...nahahawakan, naaamoy, naririnig, nakikita, nalalasahan...Panatag ang iyong kalooban na mananatili sila roon, habang buhay.

Ngunit para sa mga batang may murang isipan, ang kadiliman ay isang lugar na dapat katakutan.

Para sa kanila, itinatago ng kadiliman ang mga kaaway at doon sila nagliliwaliw at nagpaplano kung paano susugpuin ang kanilang katunggali.

Natatakot sila sa dilim dahil hindi nila alam kung anong uri ng mga nilalang ang nagkukubli doon. Napakadali nilang matakot dahil hindi sila sanay na makatagpo ng hindi pamilyar na bagay at pangyayari. Sa mapaglaro nilang isipan, ang isang kumot na puti ay nagiging multong nais silang silain at saktan...ang malaking cabinet ay nagmimistulang isang kuta na punong puno ng mga aswang at tikbalang na handang kumain sa kanila...ang isang imahen na yari sa bato ay gumagalaw at nagiging totoo at nagbabalak na dalhin sila sa isang kahariang malayo't mahirap abutin...

Ngunit ang totoo, mabuti para sa mga bata ang matakot dahil ito ang siyang nakatutulong na maka-iwas sila sa kapahamakan. Delikado para sa kanila ang pumasok sa isang madilim na silid dahil maaari silang maaksidente ng isang bagay na hindi nila nakikita. Ang kanilang pagkatakot ang pipigil sa kanila upang suungin ang madilim na lugar.

Subalit tunay namang tayo ay nabubuhay ngayon sa panahon ng kadiliman...at sa kasawiang palad, walang natatakot sa maaaring kahinatnan nito.

Nasusuong tayo ngayon sa gitna ng mga pangyayaring nagtutulak sa atin sa lalo pang mas madilim na kinabukasan. Pero tila tayo mga maamong tupang dinadala sa katayan.

Ang kalikasan man ay tila patungo na rin sa ganitong kapalaran. Di ba't kung titingnan natin ang kalangitan na umiibabaw sa ating mga syudad, makikita natin ang isang maitim na usok na nakabitin sa gitna nito. Hindi ito tulad ng maitim na ulap na nagdadala ng ulan; ito'y isang maitim na bagay na binubuo ng maruruming elemento na nakakalason sa lahat ng buhay na nilalang. At habang dumadaan ang mga araw, lalong dumadami at lumalaki ang nasasakupan ng maitim na ulap na ito - hanggang sa isang araw, magigising na lang tayong hindi na natin makita ang liwanag ng araw dahil hindi na maalis alis ang kadilimang ito.

Sa may pananampalataya, iisa lamang ang pinagmulan ng lahat ng bagay na narito sa lupa. Subalit ang tanong, kahit na nga ng isang taong buong buo ang pananampalataya, e pati ba ang mga masasamang bagay ay galing pa rin sa Maykapal? Sagot din naman ng isang may matibay na pananampalata ay hindi. Ang mabubuting bagay ay bunga ng kabutihan ng Diyos, at ang mga masasama'y dulot naman ng mga nilalang na may kasing sama ring balak sa kanyang kapwa.

Sa aking palagay, ang mahalaga'y gumagawa tayo ng tama, nagmamahal sa kapwa at tumutulong na maibsan ang kahirapan ng iba.

Ngayon, kung kabaligtaran naman ang iyong isinasabuhay: gumagawa ka ng mali, namumuhi sa kapwa at nagiging sanhi pa ng kahirapan ng iba, ikaw ay nasa kadiliman at walang puwang sa gitna ng ating lipunan.

5 kuro-kuro o puna:

Iwi finds said...

eksaktong eksakto ng pagsasalarawan mo ng kwarto itong kwarto ko ha :) bigla daw akong natawa dun lol!

Taong Bundok said...

bakit, hanggang ngayon ba e takot ka pa rin sa dilim? o baka naman sa lamig ka lang natatakot...lol...

wifespeak said...

Ang mga nagtatago sa dilim kadalasan ay may kapangitang nais ikubli. Sana dumami pa ang mga kabataang tulad mo.

Taong Bundok said...

Sabi nga ng marami sa kanilang mga blag e nasa kadiliman ngayon ang bansa dahil lamang sa kagagawan ng iilan na dapat ay naging huwaran ng kabutihan para sa lahat. Nakaka-awa ang mga taong nasa dilim ngunit mas kaawa awa ang mga iyon na siyang nagdadala sa bansa sa kadiliman dahil nasa kanilang konsiyensiya, kung mayron man, ang malaking kasalanang ito.

Iwi finds said...

no hindi na :) pero malaki na ko nung matuto akong maging matapang sa dilim :)