Pages

Tuesday, February 12, 2008

Darating Ang Panahon (Sana...)

Isang hinaing na noon pa ini-inda ng mga Pilipino ay ang kawalan ng pagbabago sa ating lipunan.

Dumaan na ang ilang tinawag na "People Power", mga kudeta, mga naunsyaming rebelyon ng iilang paslit, mga maliliit na aklasan sa kalye ng Mendiola, mga iskandalo na kinasangkutan ng mga maliliit at malalaking tao sa gobyerno at marami pang iba. Subalit sa bandang huli, bumalik at namayani pa rin ang dating ugali, at mas lumala pa nga kung tutuusin. Pagkatapos ng panandaliang katahimikan at kunwa'y kaunlaran, ayun at babalik din ang kinagisnang pangungurakot, pagkakamal ng yaman ng bayan, pagwawalang bahala sa kapakanan ng nakararami, huwag na nating banggitin ang mga mahihirap.

Isa sa mga bagay na nagpapanatili ng aking katinuan sa mundong ito ay ang pakakaroon ng pag-asa. Pag-asang mababago ang lahat tungo sa mas mabuti at mas maunlad na lipunan. Kung mawawala sa akin ang pag-asang ito, marahil kasunod na nito ang ang aking pagyao. Sino ang magnanais mabuhay sa gitna ng lipunang puno ng kanser ng pagiging makasarili at walang pakundangan sa dignidad ng kapwa tao? Nakakawalang ganang magpatuloy magsikap kung alam mong sa bandang huli, ang mga taong walang kunsiyensya ang mamumuno at magpapatakbo ng bayan.

Ayon nga sa sinabi ng isang testigo sa isang scam na kasangkot ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno, mas mabuti pa daw sila at pagkatapos ng hearing ay babalik sa kanilang mga mararangyang bahay, kapiling ang sariling pamilya, komportable at maayos, busog at nakakatulog ng mahimbing, samantalang siya, maiiwan doon kung saan ginagawa ang hearing, mahihiga at matutulog sa sopa at malayo sa kanyang mga mahal sa buhay. Nasaan ang sinasabing hustisya sa ganitong pangyayari!

Lumiit bigla ang mundong ginagalawan ng testigong ito. Ano pa't nandyan ang banta sa kanyang buhay na kahit saan siya gumawi ay lilingon-lingon siya at baka nasa tabi na niya ang nilalang na inatasang kumitil sa kanyang buhay. Sino ang matatahimik sa ganoong situasyon. Habang ang nagbanta sa kanya'y libreng gumala at magliwaliw kung saan man nila gusto, ayun siya at nakakulong sa isang lugar na wala mang pisikal na rehas ay may mas matindi pang balakid na hindi nakikita sa kanyang kalayaan. Hindi man nga nakikita ay tunay namang nararamdaman ang pagsakal sa kanyang kalooban.

At tulad rin niya, ang ating kalikasan ay nakakaranas na din ng pagliit ng espasyo kung saan may ligtas at malinis na hangin. Pakonti ng pakonti ang mga napagkukunan ng mga panggatong para sa ating mga sasakyang gumagamit ng langis. Umiikli ang panahong nailalaan ng kalikasan para maka rekober siya mula sa mapaminsalang usad ng teknolohiya.

Ang pagbabago ng klima ay isang natatanging sintomas lamang ng mas marami pang hindi tama sa mga nangyayari sa mundo. Sasabihin kong nanginginig ang tuhod ng Kalikasan ngayong naka-amba sa kanya ang di iilang sandata ng pangmalawakang pagdurog sa kanyang kagandahan. Hindi na rin siya mapakali dahil anumang oras ay maaaring salakayin siya ng mga taong hayok sa salaping kinikita mula sa pagpuputa ng mga tiwaling kagawad na nagbebenta ng mga ilegal na produkto mula pa rin sa kanya.

Ito nga ang nakikita kong magkatulad sa takbo ng buhay ng testigo at kalikasan: ang presensya ng bantang napakahirap tukuying kung saan tunay na nanggagaling. Alam ng lahat, bagkus palihim at mahirap sabihin sa harap ng marami, ang patutunguhan ng lahat ng ito. Makakawala ang may sala at aalipustahin ang ika nga'y nagbisto ng kanilang kabuktutan. Pagkatapos ng lahat ng mga pahayag, matapos suriin at busisiin ang bawat anggulo ng mga pangyayari, magpapatuloy pa rin ang mga pasimuno sa kanilang gawain dahil hindi naman sila maaalis sa pwesto at kung minamalas-malas pa nga, mas malakas at mas mapangahas pa kaysa dati.

Darating pa nga ba ang panahon na makakakita tayo ng tunay na pagbabago?

Hindi nga kaya mauwi sa wala ang lahat ng mga pagsisikap na ginagawa natin ngayon?

Sa palagay ko, darating pa rin iyon, ngunit maaaring huli na para sa nakararami sa atin ngayong siglong ito.

Subalit gayon pa man, kung ngayon pa lang ay sisimulan na nating itanim sa isip ng aking mga anak at kabataan ang kanilang responsibilidad para sa kalikasan ay maaaring dumating nga ang panahong maibalik ito sa isang dalisay na kalagayan. At para sa lipunang ating ginagalawan naman, ewan ko kung anong salita ang babagay upang mahikayat natin ang atin ding mga anak na maging mas mabuting mamamayan ng ating bansa.

Paano kaya natin sila maaakay sa landas ng pagiging testigo para sa kabutihan at hindi maging alagad ng mga mapagpanggap na tagapagligtas daw ng ating lipunan. Kailangan natin ang mas marami pang mga saksi upang maitaboy ang tunay na kaaway ng sambayanan.

Susunod: Lahat ng Bagay na Narito sa Lupa

2 kuro-kuro o puna:

wifespeak said...

Isa ako sa mga kabataang nagra-rally araw-araw laban sa rehimeng Marcos. Dahil na rin sa aking kabataan, inakala kong nang mapaalis namin ang diktador na iyon ay tapos na ang aking tungkulin. Kaya't pinaubaya ko na muli sa mga mas nakatatanda ang pagpapatakbo sa bayang minsan kong ipinaglaban. Ngayon, iba na ang aking paniwala. Hindi natatapos ang tungkulin ko sa bayan kapag napaalis na ang mga namumunong sugo at ng demonyo. Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa sarili. Gaya nga ng sinabi ng testigo sa misa sa Baclaran kahapon, punuin natin ang ating puso ng kabutihan upang di na muling mag-hari ang kasamaan.

Taong Bundok said...

@wifespeak: grade six ako noong ideneklara ang martial law at nasa colehiyo naman noong napa-alis ang diktador. Sa pagitan ng mga panahong iyon, tahimik ang aking isipan at hindi nakiki-alam sa mga usaping panglipunan na kinasasangkutan ng ano mang maka-politikang tema.
Ngayon, tila baga ako naghahabol ng pagkakataon upang mapunan ko ang pagkukulang na iyon, kahit man lang sa pamamagitan ng blag na ito.