Pages

Thursday, February 28, 2008

Bulag, Pipi at Bingi


Nais ko namang simulan ngayon ang isang serye ng mga sulatin base sa isang awiting ng magiting na si Ka Freddie Aguilar. Hindi man ako maituturing na isang dakilang tagahanga niya e masasabi ko namang isa siyang inspirasyon sa nakararaming kabataan, kundi man sa kasalukuyan ay noong mga nakaraang dekada kung saan ako kabilang.

Narito ang mga letra:
Sa bawat yugto ng buhay, may wasto at may mali Sa bawat nilalang ay may bulag, may pipi at may bingi



Madilim ang 'yong paligid, hating-gabing walang hanggan
Anyo at kulay ng mundo sa 'yo'y pinagkaitan
H'wag mabahala, kaibigan, isinilang ka mang ganyan
Isang bulag sa kamunduhan, ligtas ka sa kasalanan

CHORUS
'Di nalalayo sa 'yo ang tunay na mundo
Marami sa ami'y nabubuhay nang tulad mo
'Di makita, 'di madinig, minsa'y nauutal
Patungo sa hinahangad na buhay na banal

Ibigin mo mang umawit, hindi mo makuhang gawin
Sigaw ng puso't damdamin wala sa 'yong pumapansin
Sampung daliri, kaibigan, d'yan ka nila pakikinggan
Pipi ka man nang isinilang, dakila ka sa sinuman

[Repeat CHORUS]

AD LIB

Ano sa 'yo ang musika, sa 'yo ba'y mahalaga
Matahimik mong paligid, awitan ay 'di madinig
Mapalad ka, o kaibigan, napakaingay ng mundo
Sa isang binging katulad mo, walang daing, walang gulo

[Repeat CHORUS]

'Di makita, 'di madinig, minsa'y nauutal
Patungo sa hinahangad na buhay na banal

At tulad ng naunang ginawa ko sa awitin ng Asin, pipili ako ng mga saknong mula sa awit na siyang magiging tema ng sulatin.

Bulag

Para sa isang inisinilang na may paningin, sadyang napakahalaga nito at kung ito'y mawawala, tiyak na guguho ang kanyang mundo. Ayon nga sa isa kong kakilala, mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa magpatuloy mabuhay na bulag. Mahirap mabuhay sa kadiliman, sa anumang sentido ng pangungusap.

Subalit sa kasamaang palad para sa ating lipunan, kung may nagtutulugtulugan na mahirap gisingin, mayroon din namang nagbubulag-bulagan na imposible ring makakita kahit na nakabulagta na sa kanyang harapan ang isang pangyayari.

At ito ay isa na nga sa kapansanan ng ating lipunan. Nasa kadiliman na nga tayo e marami pang nagbubulagbulagan. Ngunit kung sa awit ni Ka Freddie, ang bulag ay ligtas sa kasalanan, ang mga nagbubulagbulagan sa atin ay punong-puno nito. Pilit nilang binubura ang tunay na anyo at kulay ng mga pangyayari upang umayon sa kanilang bersyon ng katotohanan.

Tila literal na hatinggabing walang hanggan ang takbo ng ating buhay sa gitna ng mga korupsyon, kasinungalingan, pandaraya, pag-angkin at pagpapalawig ng kapangyarihan - lahat ng ito'y iisa ang tinutukoy - huwad na karapatang mamuno.

Mapalad ang tunay na bulag sa mundo ni Ka Freddie dahil hindi niya nakikita ang mga nabanggit, subalit gayunpaman, biktima pa rin sila ng huwad na pinunong pilit na nagsisiksik sa bahay ng mga lakan.

Hindi man sila maaaring tumestigo ayon sa kanilang nakita e maaari pa rin silang magpatunay na maraming baluktot sa tinatahak nilang buhay dulot ng iba pang kapansanan ng lipunan. May natatangi silang karanasan na nagtuturo sa ating lahat na sa kabila ng kanilang kalagayan e kaya pa rin nilang tumawid sa kalsada kahit hindi nakikita ang mga sasakyang pwedeng kumitil sa kanya sa isang iglap lang. Kailangan nilang magtiwala sa kanilang kakayahang ito at gayun sa mga iba pang taong nakapaligid sa kanila. Subalit kung nga mga taong ito'y hindi mapagkakatiwalaan, paano na sila?

Mahalagang makakita ng tunay ang isang testigo. Walang puwang dito ang nagbubulag-bulagan na hinayaan ang ibang maykapangyarihan na burahin ang anyo at kulay ng mundo.

Tuesday, February 26, 2008

Ang Nawawalang Pitaka

Nakabalik na si Rey sa kanilang bahay ng napansin niyang nawawala ang kanyang pitaka.

Hindi niya maalala kung saan o kailan maaari ito nawala. Pilit man niyang balik-balikan sa kanyang isip ang mga lugar na kanyang pinuntahan simula ng matapos siyang kumain at magbayad sa restawran kung saan siya kumain ng tanghalian ay wala siyang maalala na may naramdaman siyang dumukot nito sa kanyang bulsa o kaya nama'y nahulog ito.

Tila baga basta na lang ito naglaho sa di malamang kadahilanan.

Gayon pa man, sigurado siya na isa lang sa dalawa: ang nadukutan siya o nahulog nga ang kanyang pitaka. Hindi nga lang niya alam kung kailan at saan ito nangyari.

"Malaking halaga pa naman ang naka-ipit sa loob ng pitakang iyon" ang may panghihinayang na nasambit ni Rey sa kanyang sarili. Bagong sweldo kasi siya at iyon pa nga ang dahilang kung bakit nagka lakas loob siyang kumain sa restawran. May pambayad siya at may kasama pang tip na sampung piso sa waiter.

Ngunit ngayon, wala na siyang maiaabot sa kanyang Ina para panggastos sa loob ng dalawang linggo. Wala na rin siyang pambili ng mp3 player na nais sana niyang iregalo sa sarili. Wala na rin siyang maipagmamalaki sa kanyang girlfriend na sana'y idedate niya at yayayaing magpakasal na sa lalong madaling panahon.

Sayang na sayang ang pagkakataon dahil sa nawalang pitaka. Nawala ang inaasahang pag-asenso kahit man lang itong linggong darating.

Ang hindi alam ni Rey ay nadukutan nga siya.

Sa bus na kanyang sinakyan mula Mendiola papuntang Cubao ito nangyari. Malinis ang trabaho ng mandurukot, palibhasa'y sanay na sanay na, ano pa ngat ilang taon na niya ito ginagawa, sa katunayan nga e noon pang 2001, at hindi pa siya nakukulong kahit kailan. Ilang beses na siyang nabistong may ginagawang kalokohan pero dahil sa dulas ng kanyang kilos at galing sa bokada e naililigtas niya ang kanyang sarili. Alam na alam din niya kung sino ang dapat suhulan, kaya nga't kahit ilang beses na siya nahuli at may testigo pa e hindi siya nakukulong.

Galing talaga ng mandurukot na ito.

At ngayon ngang hawak hawak na niya ang pitaka ni Rey, lalo pa siyang naging hambog dahil sa laki ng halagang kanyang nadambong. Marami siyang binabalak gawin para bukas. Yayayain niya ang kanyang may sakit sa pusong asawa na mamili sa Quiapo pagkatapos magsimba. At kakain sila sa Ongpin ng mami at siopao. Aba kayang kaya niyang gumastos ngayon dahil malaking halaga nga ang kanyang nadukot. Tila nasa gloria ang kanyang pakiramdam.

Mahimbing ang kanyang pagtulog ng gabing iyon.

Sa kabilang dako naman, hindi makatulog si Rey dahil pinoproblema niya kung saan niya kukunin ang pangtustos sa kanilang pangangailangan. Paikot-ikot siya sa kanyang tinutulugang banig na nakalatag sa sahig. Malamok at mainit, ngunit wala siyang magawa dahil wala naman silang bentilador man lang.

Bukas, mangungutang na naman siya.

Monday, February 18, 2008

Lahat ng Bagay na Narito sa Lupa

Ipikit mo ang mga mata mo sa loob ng tatlumpung segundo.

Madilim di ba? Wala kang nakikita.

Ngayon, isipin mong isang hating gabi ay pumapasok ka sa isang silid na saradong sarado ang lahat ng mga bintana, patay ang ilaw at paglampas mo ng pinto ay bigla itong sumara sa likod mo. Tapos...

Takot ka ba sa dilim? Malaki ka na, hindi ka na nga siguro takot. Hindi ka na madedenggoy sa sinasabi ng iba na may multo, tikbalang, aswang o kung ano pang lamang lupa na nababalutan ng misteryo at hiwaga.

Alam mong sa kabila ng dilim e nandoon pa rin ang mga pamilyar na bagay sa paligid mo.

Alam mo rin na sa sandaling ibukas mo ang iyong mga mata ay makikita mong muli ang computer sa harap iyong harap, ang pinto sa banda roon, ang mesa sa kabilang dako ng silid...nandoon pa rin silang lahat. Nasanay ka na at hindi mo pinagdududahan na ang kapaligiran mo ay isang katotohanang hindi mawawala...nahahawakan, naaamoy, naririnig, nakikita, nalalasahan...Panatag ang iyong kalooban na mananatili sila roon, habang buhay.

Ngunit para sa mga batang may murang isipan, ang kadiliman ay isang lugar na dapat katakutan.

Para sa kanila, itinatago ng kadiliman ang mga kaaway at doon sila nagliliwaliw at nagpaplano kung paano susugpuin ang kanilang katunggali.

Natatakot sila sa dilim dahil hindi nila alam kung anong uri ng mga nilalang ang nagkukubli doon. Napakadali nilang matakot dahil hindi sila sanay na makatagpo ng hindi pamilyar na bagay at pangyayari. Sa mapaglaro nilang isipan, ang isang kumot na puti ay nagiging multong nais silang silain at saktan...ang malaking cabinet ay nagmimistulang isang kuta na punong puno ng mga aswang at tikbalang na handang kumain sa kanila...ang isang imahen na yari sa bato ay gumagalaw at nagiging totoo at nagbabalak na dalhin sila sa isang kahariang malayo't mahirap abutin...

Ngunit ang totoo, mabuti para sa mga bata ang matakot dahil ito ang siyang nakatutulong na maka-iwas sila sa kapahamakan. Delikado para sa kanila ang pumasok sa isang madilim na silid dahil maaari silang maaksidente ng isang bagay na hindi nila nakikita. Ang kanilang pagkatakot ang pipigil sa kanila upang suungin ang madilim na lugar.

Subalit tunay namang tayo ay nabubuhay ngayon sa panahon ng kadiliman...at sa kasawiang palad, walang natatakot sa maaaring kahinatnan nito.

Nasusuong tayo ngayon sa gitna ng mga pangyayaring nagtutulak sa atin sa lalo pang mas madilim na kinabukasan. Pero tila tayo mga maamong tupang dinadala sa katayan.

Ang kalikasan man ay tila patungo na rin sa ganitong kapalaran. Di ba't kung titingnan natin ang kalangitan na umiibabaw sa ating mga syudad, makikita natin ang isang maitim na usok na nakabitin sa gitna nito. Hindi ito tulad ng maitim na ulap na nagdadala ng ulan; ito'y isang maitim na bagay na binubuo ng maruruming elemento na nakakalason sa lahat ng buhay na nilalang. At habang dumadaan ang mga araw, lalong dumadami at lumalaki ang nasasakupan ng maitim na ulap na ito - hanggang sa isang araw, magigising na lang tayong hindi na natin makita ang liwanag ng araw dahil hindi na maalis alis ang kadilimang ito.

Sa may pananampalataya, iisa lamang ang pinagmulan ng lahat ng bagay na narito sa lupa. Subalit ang tanong, kahit na nga ng isang taong buong buo ang pananampalataya, e pati ba ang mga masasamang bagay ay galing pa rin sa Maykapal? Sagot din naman ng isang may matibay na pananampalata ay hindi. Ang mabubuting bagay ay bunga ng kabutihan ng Diyos, at ang mga masasama'y dulot naman ng mga nilalang na may kasing sama ring balak sa kanyang kapwa.

Sa aking palagay, ang mahalaga'y gumagawa tayo ng tama, nagmamahal sa kapwa at tumutulong na maibsan ang kahirapan ng iba.

Ngayon, kung kabaligtaran naman ang iyong isinasabuhay: gumagawa ka ng mali, namumuhi sa kapwa at nagiging sanhi pa ng kahirapan ng iba, ikaw ay nasa kadiliman at walang puwang sa gitna ng ating lipunan.

Tuesday, February 12, 2008

Darating Ang Panahon (Sana...)

Isang hinaing na noon pa ini-inda ng mga Pilipino ay ang kawalan ng pagbabago sa ating lipunan.

Dumaan na ang ilang tinawag na "People Power", mga kudeta, mga naunsyaming rebelyon ng iilang paslit, mga maliliit na aklasan sa kalye ng Mendiola, mga iskandalo na kinasangkutan ng mga maliliit at malalaking tao sa gobyerno at marami pang iba. Subalit sa bandang huli, bumalik at namayani pa rin ang dating ugali, at mas lumala pa nga kung tutuusin. Pagkatapos ng panandaliang katahimikan at kunwa'y kaunlaran, ayun at babalik din ang kinagisnang pangungurakot, pagkakamal ng yaman ng bayan, pagwawalang bahala sa kapakanan ng nakararami, huwag na nating banggitin ang mga mahihirap.

Isa sa mga bagay na nagpapanatili ng aking katinuan sa mundong ito ay ang pakakaroon ng pag-asa. Pag-asang mababago ang lahat tungo sa mas mabuti at mas maunlad na lipunan. Kung mawawala sa akin ang pag-asang ito, marahil kasunod na nito ang ang aking pagyao. Sino ang magnanais mabuhay sa gitna ng lipunang puno ng kanser ng pagiging makasarili at walang pakundangan sa dignidad ng kapwa tao? Nakakawalang ganang magpatuloy magsikap kung alam mong sa bandang huli, ang mga taong walang kunsiyensya ang mamumuno at magpapatakbo ng bayan.

Ayon nga sa sinabi ng isang testigo sa isang scam na kasangkot ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno, mas mabuti pa daw sila at pagkatapos ng hearing ay babalik sa kanilang mga mararangyang bahay, kapiling ang sariling pamilya, komportable at maayos, busog at nakakatulog ng mahimbing, samantalang siya, maiiwan doon kung saan ginagawa ang hearing, mahihiga at matutulog sa sopa at malayo sa kanyang mga mahal sa buhay. Nasaan ang sinasabing hustisya sa ganitong pangyayari!

Lumiit bigla ang mundong ginagalawan ng testigong ito. Ano pa't nandyan ang banta sa kanyang buhay na kahit saan siya gumawi ay lilingon-lingon siya at baka nasa tabi na niya ang nilalang na inatasang kumitil sa kanyang buhay. Sino ang matatahimik sa ganoong situasyon. Habang ang nagbanta sa kanya'y libreng gumala at magliwaliw kung saan man nila gusto, ayun siya at nakakulong sa isang lugar na wala mang pisikal na rehas ay may mas matindi pang balakid na hindi nakikita sa kanyang kalayaan. Hindi man nga nakikita ay tunay namang nararamdaman ang pagsakal sa kanyang kalooban.

At tulad rin niya, ang ating kalikasan ay nakakaranas na din ng pagliit ng espasyo kung saan may ligtas at malinis na hangin. Pakonti ng pakonti ang mga napagkukunan ng mga panggatong para sa ating mga sasakyang gumagamit ng langis. Umiikli ang panahong nailalaan ng kalikasan para maka rekober siya mula sa mapaminsalang usad ng teknolohiya.

Ang pagbabago ng klima ay isang natatanging sintomas lamang ng mas marami pang hindi tama sa mga nangyayari sa mundo. Sasabihin kong nanginginig ang tuhod ng Kalikasan ngayong naka-amba sa kanya ang di iilang sandata ng pangmalawakang pagdurog sa kanyang kagandahan. Hindi na rin siya mapakali dahil anumang oras ay maaaring salakayin siya ng mga taong hayok sa salaping kinikita mula sa pagpuputa ng mga tiwaling kagawad na nagbebenta ng mga ilegal na produkto mula pa rin sa kanya.

Ito nga ang nakikita kong magkatulad sa takbo ng buhay ng testigo at kalikasan: ang presensya ng bantang napakahirap tukuying kung saan tunay na nanggagaling. Alam ng lahat, bagkus palihim at mahirap sabihin sa harap ng marami, ang patutunguhan ng lahat ng ito. Makakawala ang may sala at aalipustahin ang ika nga'y nagbisto ng kanilang kabuktutan. Pagkatapos ng lahat ng mga pahayag, matapos suriin at busisiin ang bawat anggulo ng mga pangyayari, magpapatuloy pa rin ang mga pasimuno sa kanilang gawain dahil hindi naman sila maaalis sa pwesto at kung minamalas-malas pa nga, mas malakas at mas mapangahas pa kaysa dati.

Darating pa nga ba ang panahon na makakakita tayo ng tunay na pagbabago?

Hindi nga kaya mauwi sa wala ang lahat ng mga pagsisikap na ginagawa natin ngayon?

Sa palagay ko, darating pa rin iyon, ngunit maaaring huli na para sa nakararami sa atin ngayong siglong ito.

Subalit gayon pa man, kung ngayon pa lang ay sisimulan na nating itanim sa isip ng aking mga anak at kabataan ang kanilang responsibilidad para sa kalikasan ay maaaring dumating nga ang panahong maibalik ito sa isang dalisay na kalagayan. At para sa lipunang ating ginagalawan naman, ewan ko kung anong salita ang babagay upang mahikayat natin ang atin ding mga anak na maging mas mabuting mamamayan ng ating bansa.

Paano kaya natin sila maaakay sa landas ng pagiging testigo para sa kabutihan at hindi maging alagad ng mga mapagpanggap na tagapagligtas daw ng ating lipunan. Kailangan natin ang mas marami pang mga saksi upang maitaboy ang tunay na kaaway ng sambayanan.

Susunod: Lahat ng Bagay na Narito sa Lupa

Friday, February 8, 2008

Bakit ‘Di Natin Pag-isipan ang Nangyayari sa Ating Kapaligiran


Ang pakikipagtunggalian daw, sinasabi nila, ay may tatlong bersyon: ang una ay ayon sa nagsasaad ng istorya, ang pangalawa'y bersyon ng katunggali, at ang ikatlo, ang katotohanan.

May mga pangyayaring likas na bistado ang ebidensya, lalo na kung may mapagkakatiwalaang saksi na magpapatunay sa mga nangyari: ang taong may hawak ng patalim sa harap ng isang taong nag-aagaw buhay dahil sa sugat na dulot ng patalim; ang taong may hawak ng umuusok na baril sa harap ng isang taong nakabulagta at sabog ang mukha dahil sa tama ng bala. Sa mga ganitong kaso, marahil sapat na mismo ang sandatang ginamit na may fingerprint ng salarin, at ang testimonya ng saksi, upang makondena ang may sala.

Sa kabilang dako, may mga pangyayaring napakahirap tukuyin ang tunay na may sala, lalo na kung walang saksi, at kung may saksi man, ay iba-iba ang kanilang mga testimonyang sinumpaan. Bagamat iisa ang kanilang nakitang nangyari, iba-iba ang kanilang reaksyon at tugon dito. Positibo man o negatibo para sa may sala o biktima, mahirap pagtiwalaan o limiing mabuti kung sino ang nagsasabi ng totoo.

Ano Ang Katotohanan?

Kung may kanya-kanya tayong bersyon ng isang pangyayari, mahirap ngang tukuyin kung ano ang tunay na pagkakasunod-sunod ng mga eksena. Kung baga sa pelikula, kung masama ang editing, mahirap intindihin ang takbo ng mga pangyayari. Subalit di tulad sa pelikula na maaari mong i-rewind, sa tunay na buhay, iisa lang ang pagkakataon nating matunghayan ang daloy ng kasaysayan; walang rewind, walang take 2 direk, walang teka, teka muna. Kung pumikit ka sa isang sandaling kritikal para sa pag intindi ng pangyayari, wala na ang iyong kamalayan kung saan patungo ang kwento ng buhay.

Saan, kung gayon nakasalalay ang katotohanan? Sino ang magbibigay ng kahulugan sa terminong ito? Paaano malalaman ni Dela Cruz, Juan kung sino ang paniniwalaan?

Sa mundo ng pulitika kung saan dinadaan ang pag-uusap sa ma-diplomasyang pamamaraan, ang katotohanan ay madaling napaiikot ng sinumang makikinabang sa gawaing ito upang umakma at makatugon sa pangangailangan ng pagkakataon. Sabihin na nating kayang kaya nilang palabasing bilog ang isang kahon na hugis kwadrado o kumbinsihin na pula ang nakita sa halip na berde, o kaya'y bilanging pito ang lima. Nagiging madali ang supilin ang kanilang konsyensya sa ngalan ng pagkakaroon ng poder, pagpapanatili ng sarili sa pwesto, at maging nasa ibabaw, ika nga, ng batas.

O kung hindi man tuwirang pagmamanipula ng katotohanan, nandyan ang pagsira sa pagkatao ng saksi. Madaling gawin ang bagay na ito, lalo na kung may mga taong handa ring magpanipula ng kanilang mga opinyon. Sabihin mong lasenggero, babaero, sugarol ang isang tumatayong saksi at tingnan natin kung paniniwalaan pa ang kanyang mga sasabihin sa hinaharap. Ipakita mong walang pinag-aralan at may record na sa blotter ng pulis ang taong nagsasabi na nakita nya ang isang nakahabla na tila may masamang balak laban sa biktima at pihado kong mapapawalang sala ang nakademanda dahil sa kawalan ng mapagkakatiwalaang saksi, kahit na nga ba alam na ng lahat na totoo ang kanyang sinasabi.

Malaki ang papel ng sariling repustasyon para sa isang gustong maging saksi. At ito rin ang napakadaling sirain upang mapawalang bisa ang kanyang sinasabi.

Pero sa kabila nga ng lahat ng testimonya mula sa pinagbibintangan at nagbibintang, kung saan ang mga ito ay kontra-kontra, nandoon ang katotohanan na nagtatago subalit tuwirang naka tunghay sa ating mga mukha.

Ano ang Kabayaran, Katotohanan?

Nangagailangan ang ating lipunan ng mga saksing nag-iisip kung ano ang tunay na nangyayari sa ating kapaligiran. Bukas ang tawag para sa lahat ng may paninindigan at pananampalataya na may mga tao pa ring handang magsakripisyo upang mapalabas ang katotohanan, kahit na nga pagbantaan ng pisikal na pananakit, kahit na nga nandyan na ang naka-akmang sandata upang simulan ng paunti-unti ang pagsikil sa personal na kalayaang magpahayag, kahit na nga naka-umang ang posibilidad ng buhay sa gitna ng kahihiyan dahil siguradong uungkatin lahat ng kanyang baho sa harap ng lipunan.

Nakakasawa ng nga kung minsan ang marining, mabasa o mapanood sa TV ang mga kabulastugan ng ilang nangungunang personalidad sa ating lupunan. Nakakatuksong hwag na lang tunghayan ang radyo, dyaryo at TV upang maging panatag ang aking kalooban. Aba, nag-aalala na nga ang aking mahal sa buhay dahil baka daw lumala pa ang aking kalagayan sa tuwing makakabalita ako ng mga tunggaliang nabanggit subalit napakahirap iwasan. Apektado ako sa mga bagay na ito subalit dito ko lang ito kayang ipahayag. Nakaka @#$%^!

Sabi nga ng isa pang awit: gusto kong bumait pero 'di ko magawa! Bakit? Ewan ko nga ba pero tutuklasin ko pa ang dahilan. Baka may alam kayong 'di ko alam.

Susunod: Darating ang Panahon...

Wednesday, February 6, 2008

Ang Mga Batang Ngayon Lang Isinilang


"O sige na bati na tayo ulit. Pahihiramin na kita ng raruan ko."

Narinig ko ito mula sa isang batang babae na may anim na taong gulang habang kinakausap niya ang kanyang kalaro na may ganoon ding edad at kasarian. Nalaman ko na kani-kanina lang pala e nag-away sila at nangakong hinding-hindi na maglalarong magkasama magpakailan man. Pero eto sila ngayon, magkasundo at naglalarong masaya na tila walang nangyaring hinanakitan sa pagitan nila.

Sa aking nasaksihan, namalayan kong napakadali para sa isang bata ang magpatawad at limutin ang anumang kamaliang nagawa sa kanya! Tila hindi niya alintana ang isang hinanakit na dapat sana'y kanyang naramdaman dahil sa pagwawalang bahala ng isang bata. Alalaon baga'y hindi para sa kanya ang magtanim ng galit dahil lamang sa isang pagkakataong nasaktan siya ng kapwa, sinasadya man o hindi.

At sa kamalasan, siyento porsyentong kabaligtaran para sa mga nakatatanda!

Ang pagiging tulad sa isang bata ay noon pa ipinapangaral ng Diyos.

Madaling magtiwala ang sinumang bata dahil para sa kanya, ang mga tao'y naroon upang siya ay tulungan. Hindi niya iniisip ang siya ay maloloko dahil wala sa kanya mismo ang malisya ng panloloko. Ang kanyang pag-asa'y buo na ang kanyang mga pinagtitiwalaan ay hindi mag-aakay sa kanya tungo sa kapahamakan, dahil ang kanyang kamalayan ay malinis at walang intensiyong masama. Sa Ingles, ito yung pagiging "childlike" - nagtitiwala, umaasa, walang malisya, mapag mahal, madaling magpatawad.

Sa kabilang dako, nandyan din ang pagiging "childish", ang pagiging tulad sa isang bata sa maling paraan. Di nga ba may batang makulit, mayroong bugnutin, maikli ang atensiyon at pasensiya sa mga nangyayari sa kanyang kapaligiran lalo na doon sa mga pangyayaring wala siyang kontrol o hindi niya mapamahalaan dahil hindi abot ng kanyang murang kaisipan at pangangatawan. Ito nga ang ipinapangaral sa atin na iwasan.

Kaninong ugali kaya ng isang bata natin maihahambing ang kalikasan?

Bago pa man isinilang ang sinuman sa atin ay nandyan na siya, bahagi ng sanlibutang nilikha ng Diyos. Siya'y mapaglaro: madaling mag-iba ang ihip ng hangin di ba? Tulad ng panahon, may mga pagkakataong tag-araw subalit sa isang kisap mata'y nandiyan ang ulan. O sa mga araw na tag-ulan na dapat ay ni isang patak ng ulan ay wala. May Disyembreng mainit, may Mayo na sa gabi ay maaliwalas ang temperatura. Tila hindi panatag ang takbo ng panahon.

Nitong mga huling araw nga'y nandyan ang usap-usapan tungkol sa pagbabago ng klimang pang daigdigan. Dulot daw ito ng mga basurang itinatapon sa kalikasan. Gumaganti na daw siya dahil sa kawalan ng pagmamalasakit ng tao sa kanyang kapaligiran. Ganyan nga ba ang kalikasan, gumaganti na animo'y isang batang inagawan ng kendi at gustong bumuwelta sa umapi sa kanya? Sa ganitong sentido, masasabi bang "childish" and kalikasan?

Subalit kung ating babalikan ang kasaysayan ng mundo, di nga ba't matutunghayan din natin ang mga pagkakataong naghilom na kusa ang sugat na idinulot natin sa kanya ng walang anumang karagdagan pang kapahamakan para sa atin? Ang pang-aabuso sa yamang dagat sa pamamagitan ng paggamit ng lason o dinamita, ang walang patumangga at malawakang pag hawi ng mga gubat sa mga bulubundukin sa ilang bahagi ng daigdig, ang walang kontrol na paggamit ng mga sasakyang gumagamit ng produktong langis, na ang bawat buga ng tambutso'y maitim at maruming elementong sumasakal sa kanya.

Ilang beses ng nagparaya sa atin ang kalikasan! Matagal na siyang tila isang bata na madaling magpatawad sa mga umapi at umabuso sa kanya.

Ngayon nga'y unti-unti na nating nakikita ang pagbabago ng kanyang pakikitungo sa atin. Tila baga'y nais na niyang bumawi at humanap ng hustisya laban sa ating lahat. Tapos na ang kanyang pagiging mabait na bata. Nagsisimula na ang panahon ng kanyang pagiging makulit, bugnutin, at walang pasensiya.

Sino sa atin ang aakay sa kanya upang muling maging "childlike"?

Susunod: Bakit ‘di natin pag-isipan ang nangyayari sa ating kapaligiran